229 total views
Ayon sa Encyclical ni Pope John the 23rd noong 1961 na Mater Et Magistra, tungkulin ng mga magulang na tutukan ang paghuhubog sa mga bata upang maging responsableng mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay halaga sa formation.
Sa ganitong konsteksto, nilinaw ng mga nagsusulong ng Positive Discipline Bill o ang tinatawag na Anti-Palo Bill na ang naturang panukala ay naglalayong mabigyang ng alternatibong paraan ng pagdidisiplina ang mga magulang ng hindi gumagamit ng negatibong paraan tulad ng pananakit at pagbibitaw ng masasakit na mga salita.
Nilinaw ni Reylynne De La Paz, Advocacy Officer of Save the Children na layon ng panukala na isulong ang positibong paraan ng pagdidisiplina sa mga bata mula sa nakasanayang pamamaraan ng pamamalo, paninigaw at pananakot ng mga magulang.
“Yung takot nung iba na kapag naipatupad yung batas na ito magiging spoiled na yung mga bata, hindi rin po namin gusto yung ganun ng mga advocates ng Positive Discipline Bill ang gusto natin pare-pareho gaya ng lahat ng magulang at guro, magkaroon ng mga batang disiplinado. Kasi ang naging kultura na natin mamalo, manigaw o minsan dala na siguro ng galit yun yung nagiging paraan ng marami pero dito sa positive discipline binibigyan natin ng alternative yung mga magulang…” pahayag ni de la Paz sa panayam sa Radio Veritas.
Ibinahagi ni de la Pana may ilang pag-aaral na nagpapakita na mas makabubuti para sa mga kabataan ang positibong paraan ng paggabay.
Kaugnay nito sa botong 160 “Yes” at dalawang “No” ay tuluyan ng inaprubahan ang House Bill 8239 o kilala bilang “Positive and Non-Violent Discipline of Children Act” sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagbabawal sa marahas na pagpaparusa sa mga bata.
Saklaw ng naturang panukala hindi lamang ang pagdidisiplina ng mga magulang sa loob ng bahay kundi maging sa mga paaralan at iba pang institusyon kung saan mayroong mga menor-de-edad.
Nasasaad sa panukala na ang sinumang lalabag dito ay dapat na isailalim sa seminar tungkol sa children’s rights, positibong paraan ng pagdidisiplina, anger management, counseling at therapy.