416 total views
Nanindigan ang Caritas Philippines na patuloy nitong ipapalaganap ang voters education campaign kahit matapos na ang panahon ng eleksyon.
Ito ang tiniyak ni Father Tony Labiao, Executive Secretary ng social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kasabay ng paglulunsad ng “I Vote God” campaign sa pangunguna ng Dilaab Foundation.
Sinabi ni Fr. Labiao na hindi lamang sa panahon ng eleksyon isasagawa ang voters education, kun’di sa mga susunod pa taon na magsisilbing kalakasan ng mamamayan sa pagkilos bilang iisang bansa.
“Voters’ education will be people’s empowerment.This is a year round education for voter’s empowerment for nation building,” pahayag ni Fr. Labiao sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag naman ng opisyal na maglulunsad din ang Caritas Philippines ng post-election accountability program na kung sinuman ang mananalong kandidato ngayong eleksyon ay kanilang tutulungan upang maisakatuparan ang kanilang mga plataporma para sa taumbayan.
Bagamat suportado, tiniyak ni Fr. Labiao ang pananagutan ng mga maiihalal na lider para sa mas maayos na lipunan.
“Because that is the only way to help the public servants and also to help people to get involved, participate not only with election time but also especially in the daily performance of leadership,” ayon kay Fr. Labiao.
Nangako naman ang pari na ang simbahan ay patuloy na magsasagawa ng mga kolektibong pagkilos na tutulong at titiyak na ang bawat mamamayan ay kabilang sa pagkakaroon ng maayos na pamamahala.
Hinikayat naman ni Dilaab founder at chairman Fr. Victor Carmelo Diola, ang mga botanteng mamamayan na gamitin ang ‘LASER test’ upang masuri ang “lifestyle, accomplishment, source of support, election conduct, and reputation in the community” ng bawat kandidato para sa halalan.
“Itong ‘LASER test’, these are concrete indicators of what it means to be maka-Diyos, maka-tao, makabayan, maka-kalikasan,” ayon kay Fr. Diola.
Bahagi ito ng “I Vote God” campaign na isasagawa ang 40-day prayer and discernment para sa 2022 national and local elections.