294 total views
Kapanalig, economic recovery dapat ang tutok o focus ng bagong administrasyon ngayon. Ang laki ng nawala sa ating bansa dahil sa pandemya. Napakaraming mga Filipino ang naghihirap.
Unti-unti mang nagbubukas ang ekonomiya, gumapang naman pataas ang inflation rate ng bayan. Kahit gaano pa natin ito i-deny, nasa 6.1% na ang inflation rate ng ating bansa. Ang taas nito ay balakid sa recovery o pagbangon ng mga Filipino.
Ayon sa report ng Bangko Sentral nitong Mayo, ang pagtaas ng presyo ng langis ang isa sa pangunahing rason ng pagtaas ng mga key domestic items. Malaki ang epekto nito sa presyo ng bilihin sa ating bansa dahil nasa mahigit $100 kada barrel ang langis. Linggo-linggo, tumataas ng tumataas ang presyo ng gasolina at krudo, na siya namang mitsa upang tumaas ang iba pang presyo ng mga bilihin. Ano ba ang maaaring magawa ng ating pamahalaan upang mapagaan man lang ang dalahin ng ordinaryong Filipino?
Sa ordinaryong Filipino, ang mataas na inflation ay nangangahulugan ng pagtaas ng cost of living. Syempre, mas apektado dito lagi ang pinaka-mahirap sa ating hanay. Ang kita nila kada araw hindi tumataas, pero ang halaga ng mga produktong kanilang binibili ay tumaas na ang presyo. Suma total, para magkasya ang pera, mas kaunti na lang o mas mababang uri ng bersyon ng mga produktong kanilang tinatangkilik ang kanilang nabibili. Minsan pa nga, dahil sa taas ng presyo, hindi na lang bumibili.
Ang mataas na inflation ay isang malaking poverty trap kapanalig. Nakukulong nito ang maraming Filipino sa kahirapan, at sa pagtaas nito, pinaparami pa ang bilang ng mga mahihirap na nakukulong sa kawalan. Nawawala ang kanilang purchasing power, at napipilitan silang mangutang para lamang maka-survive. Ang utang nila kapanalig, ay mula sa mga informal sources, gaya ng mga kakilala o kaanak o maski five-six. Wala silang matatabi kapanalig. Hindi pa dumadating ang sweldo nila, ubos na ito dahil sa taas ng bilihin at sa dami ng utang.
Kapanalig, kailangan ng agarang tulong ng ating mga kababayan ngayon. Ang projections ng ating mga eksperto nitong mga nakaraang buwan ay nasa mga 4% lamang ang inflation rate, ngunit ngayon, umabot pa ito sa napakataas na 6.1%. Isa sa mga relief measures na inaasam ngayon ng maralita ay ang subsidiya – pantawid sa panahon ng kagipitan ngayon.
Sa panahon ng kagipitan ng bayan, kapanalig, ang maralita ang unang-unang tinatamaan. Dito natin masusubukan ang ating commitment sa pagkakaisa. Kaisa ba natin ang maralita sa ating misyon tungo sa kaunlaran, o hahayaan natin silang maiwan? Pakinggan natin ang gabay mula sa Economic Justice for All: The obligation to provide justice for all means that the poor have the single most urgent economic claim on the conscience of the nation.