430 total views
Naipapamalas ng isang lider ang kanyang mga katangian at kakayahan sa taumbayan sa pamamagitan ng pagtatrabaho at pagkilos ng tapat at marangal.
Ito ang ibinahagi ni Tandag Bishop Raul Dael sa mga kandidato sa lokal na posisyon sa Surigao del Sur sa isinagawang Political Candidates’ Recollection ng Diyosesis ng Tandag noong ika-15 ng Marso, 2022.
Ayon sa Obispo, sa pamamagitan ng ganap na pagsasabuhay ng paglilingkod sa bayan ay maipapamalas sa taumbayan kung paano magdesisyon at umaksyon ang isang tunay na lider ng bayan.
Ipinaliwanag ni Bishop Dae na ang pagsisilbi bilang isang tunay na lingkod bayan ay isa ring paraan ng pakikibahagi sa misyon ni Hesus na gabayan at akayin ang lahat patungo sa bayan ng Diyos.
“Sa atung pagtrabaho, bisan sa atung pagdala sa atung mga pagbati we are teaching people, we are teaching people the way we make decisions as leaders, we are teaching people how to do decent campaign, we are teaching people about the values of good governance and by doing that we are participating in the teaching ministry of Jesus.”pagninilay ni Bishop Dael.
Muli namang binigyang diin ng Obispo ang mga tinuran ng Kanyang Kabanalan Francisco kaugnay sa tungkuling maglingkod na kaakibat ng posisyon o kapangyarihan.
Iginiit ni Bishop Dael na dapat ituring na oportunidad ng mga opisyal ng bayan ang mga posisyon at katungkulan sa pamahalaan upang higit na makapaglingkod para sa kabutihan at kaunlaran ng bawat mamamayan.
“According to Pope Francis, power is service. The more powerful we are, the more we have opportunities to serve others.” Dagdag pa ni Bishop Dael.
Isinagawa ng Diyosesis ng Tandag ang Political Candidates’ Recollection noong ika-15 ng Marso, 2022 sa San Nicolas de Tolentino Cathedral na mayroong temang “Politics is a Vocation”.
Dinaluhan ang gawain ng mga kandidato sa Congressional, Provincial at Mayoral positions sa probinsya ng Surigao del Sur.
Binigyan diin ni Bishop Dael na ang pulitika ay hindi lamang isang posisyon o tungkulin kundi isang bokasyon na kinakailangan ang ganap na pag-aalay ng sarili upang magampanan ang responsibilidad na nakaatang sa bawat posisyon sa lokal o pambansang pamahalaan.