404 total views
Hinihiling ng grupong Power for People Coalition na ihinto na ang binabalak na pagtatayo ng planta ng karbon sa Atimonan, Quezon.
Ito ay ang 1,200-Megawatt Project na Atimonan One Energy na pinangangambahan ng mga residente na mapanganib sa kalikasan lalung-lalo na sa kalusugan ng tao bunsod ng maruming usok na maaaring ilabas nito.
Ayon kay Gerry Arances, pinuno ng grupong P4P na ito’y dapat nang bawiin ng Manila Electric Company o MERALCO upang hindi na makapinsala pa ang maruming enerhiya na ito.
Saad pa ni Arances na nangunguna rin ang Bank of the Philippine Islands sa pagbibigay ng pondo upang maitayo ang ganitong uri ng planta.
“Alam naman natin na ang pondo ng mga bangko ay napupunta kung saan sila maaring tumubo, at kita natin ngayon na hindi kabilang dito ang coal. Wala nang dahilan para hindi kanselahin ang proyekto ng coal sa Atimonan,” pahayag ni Arances.
Samantala, nagpahayag rin ng suporta si Fr. Warren Puno, Direktor ng Ministry of Ecology ng Diocese ng Lucena at sinabing kanilang ipagpapatuloy ang pakikipaglaban upang hindi na matuloy ang pagtatayo ng planta sa Atimonan, gayundin, para hindi na ito makapaminsala pa sa kalikasan maging sa kalusugan ng tao.
“Magpapatuloy kami sa pagkontra sa coal dahil sa masasamang epekto nito. Nararapat lamang na kanselahin na ng Meralco ang proyekto nito sa Atimonan para hindi na lumala pa ang kalagayan ng kalikasan,” saad ni Fr. Puno.
Nauna rito’y isinantabi na ng MERALCO ang proyektong coal-fired power plant sa Subic, Zambales na hawak ng kumpanyang Redondo Peninsula Energy o RP Energy.
Ayon kay Arances, ito’y tagumpay ng mga komunidad na nanguna sa pakikipaglaban upang hindi na ito makapaminsala pa sa kalikasan at magdulot ng kapahamakan sa mga residente.
Matagal nang isinusulong ng Withdraw from Coal ang paglaban sa pagtatayo ng mga planta ng karbon sa buong bansa kung saan napag-alamang aabot sa 15 bangko ang nagbibigay ng pondo para suportahan ang pagtatayo nito.
Batay sa katuruang panlipunan ng Simbahan, bagamat pabor ito na kumita ang mga kumpanya o namumuhunan, kinakailangang isaalang-alang na ang kita nito ay hindi nagdudulot ng kapahamakan sa kalikasan lalo’t higit sa kalusugan ng tao.
Ayon naman sa pag-aaral ng Greenpeace at Centre for Research on Energy and Clean Air noong nakaraang taon, mahigit 27,000-katao ang agad na nasasawi taun-taon dahil sa paglanghap ng maruming hangin na nagmumula sa mga coal-fired power plant.