186 total views
Kinumpirma ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang nakatakdang pakikibahagi at pagbabantay sa nakatakdang plebesito para sa Bangsamoro Organic Law sa Mindanao.
Ayon kay PPCRV Vice Chairman for Internal Affairs Bro. Johnny Cardenas, puspusan na ang isinasagawang paghahanda ng PPCRV para sa pagbubuo ng mga grupo ng volunteers na magbabantay at tutulong para sa voters’ education ng mga makikibahagi sa plebesito.
“We are now moving, organizing our volunteers to participate in the observation and voters’ education, poll watching of the Plebiscite in Mindanao…” pahayag ni Cardenas sa panayam sa Radyo Veritas.
Pagbabahagi pa ni Cardenas, opisyal nang pinahintulutan o accredited na ng Commission on Election (COMELEC) ang PPCRV upang makapagsagawa ng poll watching at pagtiyak ng kaayusan sa nakatakdang plebesito para sa ratipikasyon ng BOL.
Sinabi ni Cardenas na mayorya ng mga volunteer ng PPCRV sa rehiyon ay mga Muslim mula sa iba’t ibang civil society organizations.
“Accredited na kami to do poll watching sa Mindanao Plebiscite and majority of our volunteers there are being provided by CSO’s ng mga Muslims, CSO is Civil Society Organizations ng mga Muslim…” pahayag ni Cardenas.
Tiniyak ni Cardenas na hindi na bago sa PPCRV ang pagtutulungan ng mga Kristiyano at Muslim sa Mindanao upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng halalan sa rehiyon.
Samantala, inaasahan namang aabot sa 2,000 ang volunteers ng PPCRV na makikibahagi sa pagbabantay para sa nakatakdang Plebisito sa ika-21 ng Enero at ika-6 ng Pebrero.
“Aabot siguro ng mga 2,000 volunteers magkasama yan, majority would be Muslims” dagdag pa ni Cardenas.
Sa inilabas na panuntunan o guidelines ng Commission on Elections (COMELEC), unang isasagawa ang Plebisito sa Autonomous Region in Muslim Mindanao at sa mga lungsod ng Cotabato City at Isabela City, Basilan sa ika-21 ng Enero habang ang iba namang mga teritoryo partikular na ang mga lalawigan ng Lanao del Norte at North Cotabato ay boboto naman sa ika-6 ng Pebrero.
Layunin ng PPCRV na naitatag bilang tugon sa panawagan ng mga Obispo sa isinagawang Second Plenary Council of the Philippines ang pagpapatupad ng reporma sa halalan sa bansa kung saan kabilang ang Simbahang Katolika sa pangunahing tagapagbantay para magkaroon ng isang maayos at tapat na eleksyon sa Pilipinas.