437 total views
Opisyal nang nilagdaan ng pamunuan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at AMA Education System ang kasunduan ng pagtutulungan sa May 9 – National and Local Elections sa bansa.
Sa pamamagitan ng naganap na Memorandum of Agreement (MOA) Signing noong ika-28 ng Marso, 2022 ay pinagtibay ng dalawang institusyon ang pagtutulungan sa pagbabantay at pagtiyak ng malinis, matapat, makatotohanan at mapayapang halalan sa bansa.
Ayon kay PPCRV Chairperson Myla Villanueva, mahalaga ang papel na ginagampanan ng AMA upang ganap at patuloy na maisakatuparan ang pagbabantay sa boto ng bawat mamamayang Filipino katuwang ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
Pagbabahagi ni Villanueva mula pa noong taong 2010 ay malaki na ang ambag ng AMA sa pagsasakatuparan ng PPCRV sa misyon nito tuwing halalan.
“Our command center along with the Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) is there to make sure that our public’s vote is represented and their votes are heard and so I thank you AMA for always being there with us, they have been our partner since 2010,” pahayag ni Villanueva.
Tiniyak naman ni AMA Education System chairman Ambassador Amable Aguiluz V ang patuloy na paninindigan ng AMA sa pagtiyak ng katapatan at katotohanan sa resulta ng halalan sa bansa.
Tinukoy ni Aguiluz, ang naganap na snap presidential elections noong taong 1986 na pagsisimula ng electoral journey ng AMA sa pagbibigay ng technical support at volunteer sa COMELEC Quick Count na layuning makapagkaloob ng mabilis at matapat na resulta ng halalan sa publiko.
“AMA’s electoral journey start in the 1986 snap presidential elections. AMA provided technical support and volunteer to the COMELEC Quick Count at the PICC. In the subsequent elections since 1987 after the EDSA Revolution, AMA is engaged in delivering quick election results to the general public,” pahayag ni Aguiluz.
Ang naganap na MOA Signing sa pagitan ng pamunuan ng PPCRV at AMA Education System ay maituturing na renewal o pagpapanibago sa kasunduan ng pagtutulungan ng dalawang institusyon na nagsimula ng ipatupad ang Automated Elections sa bansa noong taong 2010.