175 total views
Tiniyak ng mga diyosesis na bahagi ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Central Luzon ang pagbabantay sa nakatakdang May 13, 2019 midterm elections.
Pagbabahagi ni Diocese of Balanga Bishop Ruperto Santos tinalakay sa naganap na PPCRV Central Luzon Diocesan Priest-Directors meeting ang kasalukuyang sitwasyong pampulitika sa mga lugar sa Gitnang Luzon at ang ginagawang paghahanda ng iba’t ibang diyosesis para sa halalan.
Ayon sa Obispo, aabot sa 11,900 ang bilang ng mga volunteers mula sa iba’t ibang diyosesis ang magsisilbing tagapagbantay ng Simbahang Katolika para sa isang maayos, tapat at pagtiyak ng kaayusan at katapatan sa araw ng halalan.
Tiniyak din ni Bishop Santos ang pakikipag-ugnayan ng PPCRV Central Luzon sa mga kinatawan ng Commission on Elections (Comelec), Philippine National Police (PNP) at mga pampublikong guro sa Gitnang Luzon upang mas maging maayos ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor sa pagbabantay.
“We have dedicated and committed 11,900 volunteers. Our priests are very supportive and have given their full cooperation. We open and extended our hands with our provincial comelec, PNP, and public teachers. The working relationship is harmonious and respectful. We can say, that we PPCRV Central Luzon, are very much ready for this national and local elections,” ayon kay Bishop Santos sa kanyang Facebook post.
Sa huli muling ipinaalala ni Bishop Santos na mahalagang manalangin ang bawat isa at kilatising mabuti ang mga katangian at kakayahan ng mga kandidato na ganap na magsusulong sa kapakanan ng mga mamamayan at ng mabuting balita ng Panginoon.
Batay sa kabuuang tala ng PPCRV may kabuuang higit sa 300,000 ang mga volunteers mula sa 86 na diyosesis sa buong bansa.