274 total views
Dismayado ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting o P-P-C-R-V sa mababang turn-out ng huling voter’s registration ng Commission on Elections para sa nakatakdang Sangguniang Kabataan at Barangay elections sa ika-23 ng Oktubre, 2017.
Itinuturing ni Bro. Johnny Cardenas – PPCRV Vice-chairman for Internal Affairs na tanda ng mababang kamalayan at kawalang pagpapahalaga ng mga mamamayan sa kahalagahan ng halalan ang hindi aktibong pakikisangkot ng mga mamamayan sa paghahanda para sa halalang pambarangay.
Paliwanag ni Cardenas, mahalagang sangay ng pamamahala sa bansa ang Barangay dahil ito ang basic unit of government kung saan magkakilala ang mamamayan.
Sa huling voters registration, umaabot lamang sa 2,174,601 ang naitalang voters turn-out ng Commission on Elections mas mababa sa target na 2.5 milyon botante.
Kaugnay nito, ipinaalala ni National Citizens’ Movement for Free Elections o NAMFREL Secretary General Eric Alvia sa pamahalaan at mga mambabatas na magtiwala sa kakayahan ng mga mamamayan na pumili at magluklok ng mga karapat-dapat na lider ng bawat barangay sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Alvia na bukas ang isip at kamalayan ng mga mamamayan sa pagpili ng isang tapat na opisyal na walang kaugnayan sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
“Alam ng mga tao sa lugar kung sinu-sino yung mga tiwali, kung sino yung tumatanggap ng droga, what you have to make sure is that the electoral process is not ransom or captive of these groups or individuals and now this is the opportunity for people to elect the rightful local leaders”.pahayag ni Alvia sa Radio Veritas
Nabatid ng Veritas Research Team na kabuuang 336,288 opisyal ng Barangay ang iboboto ng mga rehistradong botante sa nakatakdang halalan.
Umaasa naman ang Simbahang Katolika na mapapanindigan ng COMELEC ang mandato nito batay sa Republic Act No. 7-1-6-6, na nagtatakda sa Commission on Election para matiyak ang pagkakaroon ng malinis, tapat at payapang eleksyon sa bansa malayo sa kaguluhan at karahasan.