411 total views
Huwag matakot at maging handa sa paglilingkod sa Diyos at sa bayan.
Ito ayon kay Diocese of Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara ang ilan lamang sa hamon na dapat harapin ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) para sa nakatakdang 2022 National and Local Elections sa bansa.
Ayon sa Obispo na siya ring incoming vice president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang misyon ng PPCRV sa loob ng tatlong dekada bilang pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng malinis, matapat at mapayapang halalan sa bansa ay maituturing na isang pambihirang paglilingkod hindi lamang para sa bayan kundi mismong sa Panginoon.
Umaasa ng Obispo na maging inspirasyon ng mga namumuno at volunteers ng PPCRV ang buhay at halimbawa ng dalawang Pilipinong santo na patron ng bansa sa pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo na sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod.
“As a citizen’s arm of COMELEC, realize that your service to country is your service to God—all for the common good and the greater glory of God. Gawin ninyong inspirasyon ang dalawang Pilipinong santo na patron natin sa pagdiriwang ng ika-500 taong Kristiyanismo sa Pilipinas, sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod, mga martir para sa pananampalataya.” pagninilay ni Bishop Vergara.
Ibinahagi ng Obispo na ang pagiging kasapi at volunteer ng PPCRV ay maituturing na biyaya ng Panginoon na naaakma sa paggunita ng bansa ngayong taon sa Year of Missio Ad Gentes kung saan tinatawagan ang bawat isa na maging handa sa paglilingkod sa Diyos at sa bayan.
Tiwala rin si Bishop Vergara sa kahandaan ng PPCRV na harapin ang anumang hamon sa nakatakdang halalan na inaasahang hindi magiging madali lalo na ngayon panahon ng pandemya.
“Kalooban ng Diyos na maglingkod tayo sa bayan sa pamamagitan ng pagiging PPCRV volunteer. To serve as a PPCRV volunteer is a gift from God. In this Year of Missio Ad Gentes, you have been ‘gifted to give’ to be ready to serve in many ways, especially in this time of pandemic. Patuloy tayong maging handa sa mga darating pang mga hamon ng voter’s education, voter’s assistance, poll watching, unofficial parallel counting and auditing of ballots, at anumang nakalinyang gawain sa darating na eleksyon.” Dagdag pa ni Bishop Vergara.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang Obispo sa patuloy na pagtupad ng PPCRV sa misyon at mandato nito sa loob ng nakalipas na 30-taon bilang pangunahing tagapag-bantay ng Simbahang Katolika sa kabuuang proseso ng halalan.
Ayon kay Bishop Vergara, tulad ng pagdiriwang ng PPCRV sa Pearl Year nito o ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag bilang organisasyon ay maituturing din na isang ganap na perlas ang organisasyon na patuloy ang pagnining sa pagsusulong ng kaayusan at katapatan sa halalan gayundin sa paggabay sa mga botante para sa makabayan at maka-Diyos na pakikilahok sa halalan.
“Sabi nila ang pagdiriwang ng 30th anniversary ay Pearl Year. PPCRV is a pearl of great price not just for the Church but for our beloved country the Philippines. As our fine and precious pearl, may you shine 30 years and beyond so that we can elect good and worthy public officials—selfless servant-leaders with integrity and credibility, protecting our beautiful land, serving the poor in the peripheries, and giving hope to us so we can rise after this pandemic.” Ayon pa kay Bishop Vergara.
Tema ng ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng PPCRV ang “Continuing in Strength and Commitment for Love of God and Country” na layuning higit na bigyang diin ang misyon ng PPCRV bilang pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng malinis, matapat at mapayapang halalan sa bansa.
Buwan ng Obtubre taong 1991 ng opisyal na ilunsad ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV bilang isang independent, non-profit at non-partisan organization matapos na manawagan ang mga Obispo sa isinagawang Second Plenary Council of the Philippines sa pagpapatupad ng reporma sa halalan sa Pilipinas.