207 total views
Labis na nagpapasalamat ang dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga volunteer ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na tumutulong sa 2022 National and Local Elections.
Ayon kay Davao Archbishop Romulo Valles, malaking tulong ang pakikilahok ng PPCRV sa proseso ng demokrasya sa Pilipinas at maging katuwang para matiyak ang maayos at payapang halalan.
“My humble and sincere message to our PPCRV volunteers, this is a unique way for a church-based initiative itong poll watch, this will greatly help make this election really credible, peaceful,” ayon kay Archbishop Valles.
Giit ng arsobispo ang pagiging PPCRV volunteer ay pagpapakita rin ng tungkulin bilang mamamayang Filipino na bantayan ang sagradong boto ng bawat botante at tiyakin ang pagkakaroon ng matapat na halalan.
Tinatayang may higit sa 500-libo ang PPCRV volunteers mula sa iba’t ibang simbahan at diyosesis sa buong bansa upang bantayan ang higit sa 100-libong polling precincts.
Ika-8 naman ng umaga nang matapos ni Archbishop Valles ang kanyang pagboto sa Davao City.
Ang rehiyon ng Davao ay may higit sa tatlong milyong botante kabilang na ang 900-libo sa lungsod ng Davao.