197 total views
Nananawagan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa mga botante na maging matalino sa pagpili ng mga kandidato sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Ayon kay Johnny Cardenas, National Vice Chairman ng PPCRV for internal affairs, ito ay upang hindi magsisihan sa oras na maluklok sa puwesto ang hindi naayong kandidato.
“Ngayong halalan ay maging matalino, lalu na sa mga nagbebenta ng kanilang boto. Sana ay madala, ngayon ay maging masinop ang pagpili ng kandidato,” ayon kay Cardenas sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Umaasa si Cardenas na madala na ang mga nagbibenta ng boto sa halip ay maging masinop sa pagpili ng mga iboboto.
“Iisa lang po ang ating boto at sa panahon ng halalan tayo ay nagkakaroon ng pantay-pantay na karapatan, mahirap-mayaman. Iisa ang ating boto at dapat tingnan na sagrado. At sana ay gamitin dahil ito lang ang pagkakataon na maryoon kang kakayanan na pumantay sa iba. Yang karapatang yan ay hindi mo dapat basta binibitiwan… bago isulat o markahan ang balota. Pinag-isipan muna, ‘One good vote!,” ayon pa kay Cardenas.
Boto ng Kabataan
Naniniwala din si Cardenas na malaki ang bahagi ng kabataan tungo sa pagbabago ngayong darating na eleksyon.
Ayon kay Cardenas, ang kabataan ay isa sa malaking bahagi ng mga botante kaya’t mahalaga ang kanilang boto.
Sa tala ng Commission on Elections (COMELEC), mula sa 60 milyong registered voters may 20 milyon sa mga botante ay mga kabataan nasa edad 18 hanggang 35 taong gulang.
“Hinihimok naming sektor ng lipunan, itong mga kabataan sapagkat sila ang may pinakamaraming bahagi ng mga botante. Magagaling ang mga ‘yan sa mga ‘gadgets’. Ngayon madali nang kilatisin ang mga kandidato, pumunta lang sa ‘You Tube’ tingnan ang isinagawang debate ‘wag lang titingin sa mga advertisement at mga campaign ads,” dagdag pa ni Cardenas.
Nanawagan ang PPCRV sa mga botante na huwag lamang tingnan ang mga kandidato sa kanilang political ads kundi suriin ang pakikibahagi ng mga pulitiko sa mga ginaganap na debate.
Ngayong May 2019 elections may 18 libo ang mga pupunan na posisyon, kabilang na ang 12 senador, 59 na party-list representatives at mga posisyon sa lokal na pamahalaan.