184 total views
Handa na ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa Diocese ng Tarlac sa pagdaraos ng halalan sa Lunes.
Ayon kay Fr. Randy Salunga – Director ng Tarlac Social Action Center nakahanda ang mga volunteers para magbantay at tiyakin ang maayos na daloy ng eleksyon sa lalawigan.
Sinabi pa ni Fr. Salunga, bahagi ng mandato na iniatas ni Tarlac Bishop Enrique Macaraeg na muling buhayin ang PPCRV sa diyosesis upang pangunahan ang pagbibigay kaalaman sa mga botante at pagbabantay sa boto ng bawat mamamayan.
“Yun ang mandato na ibinigay ng Obispo sa akin kasi nawala yan for many years so ngayon palang, kaya ngayon bagamat maiksi yung preparation yun ang sinisiguro po namin na we will be there this coming election, we will be present na we will do our task and we hope time will come magiging buo kami isang organisasyon talaga para ng sa ganun ay mayroon isang PPCRV Tarlac na talagang magbabantay sa mga boto natin at tutulong sa pag-educate sa mga voters natin,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Salunga sa panayam sa Radyo Veritas.
YOUTH VOLUNTEERS
Nagagalak din ang diyosesis sa naging pagtugon ng mga kabataan sa sa pangangailangan ng mga volunteers ng PPCRV Tarlac.
Ayon kay Fr. Salunga, malaki ang maiaambag ng mga kabataan upang mas maging aktibo ang pagganap ng PPCRV Tarlac sa pagtiyak ng kaayusan sa nakatakdang halalan.
“Actually karamihan sa mga tumugon na mga pinadala ng mga parishes ay mga kabataan so ang laking masaya nga kasi alam natin ang mga kabataan kapag sila ay kumilos ay very creative tapos nandyan yung enthusiasm, nandun yung energy nila so nakakahawa so we are grateful that majority of our volunteers are youth kaya ito po ay isang malaki, magandang karanasan at the same time malaking biyaya sa ating Simbahan…” Pagbabahagi pa ni Rev. Fr. Randy Salunga.
Tinniyak din ni Fr. Salunga na matapos ang halalan ngayong Mayo ay mas lalo pang patatatagin ng diyosesis ang PPCRV Tarlac upang maging ganap na tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng isang maayos at tapat na eleksyon sa bansa.
Batay sa tala, halos 83-porsyento sa kabuuang 1.3-milyong kabuuang populasyon ng Diocese of Tarlac ay mga Katoliko na katumbas ng 1.1-milyong mananampalataya na pinangangasiwaan naman ng may 112 mga Pari.