2,139 total views
Umaasa ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na maging regular na muli ang petsa ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections matapos na makailang ulit na maipagpaliban noong mga nakalipas na taon.
Ito ang ibinahagi ni PPCRV National Coordinator Dr. Arwin Serrano sa pagtatapos ng voters registration na bahagi ng paghahanda para sa nakatakdang halalang pambarangay sa dating ng Oktubre.
Ayon kay Serrano, maging ang PPCRV na nagsisilbing tagapagbantay ng Simbahan sa halalan ay hindi rin pabor sa makailang-ulit na pagpapaliban ng Barangay at SK Elections na nagresulta ng pabago-bagong petsa nito.
Paliwanag ni Serrano, mahalaga ang nakatakdang pagsasagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa darating na Oktubre at ang muling regular na pagsasagawa nito para sa mga susunod na taon.
“Kami rin po sa PPCRV ayaw po namin yung pabago-bago yung mga petsya ng halalan, kaya ang gusto din natin na mangyari ay kung ito ay every last or fourth Monday of October every three years ay dapat ganun na talaga, hindi yung pabago-bago. Kami ay nagpahiwatig din ng hindi pagsang-ayon sa mga pabago-bago na petsya ng ating halalan lalong lalo na ang Barangay kasi napakahalaga rin po nitong gagawin natin Barangay and SK Elections sa October,” ang bahagi ng pahayag ni Dr. Arwin Serrano sa Radio Veritas.
Una ng binigyang diin ng PPCRV ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon at pakikibahagi ng lahat sa nakatakdang halalang pambarangay na magsisimula sa pagpaparehistro lalo’t higit ng mga kabataang first time voters sa bansa.
Nasasaad sa Repubic Act (RA) No. 11935 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatakda ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa huling araw ng Lunes sa buwan ng Oktubre o sa ika-30 ng Oktubre ng kasalukuyang taon.
Matatandaang binigyang diin ng development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na Caritas Philippines na mahalaga ang halalang pambarangay sapagkat dapat na maging matalino ang bawat mamamayan sa pagpili ng mga opisyal ng barangay na mayroong mahalagang tungkuling ginagampanan dahil sa pagkakaroon ng direktang epekto ng kanilang paraan ng pamumuno sa buhay ng bawat mamamayan sa komunidad.
Batay sa datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB), aabot na sa humigit kumulang 43,000 ang kabuuang bilang ng mga barangay sa Pilipinas.