200 total views
Mahalagang matiyak na hindi mamamanipula ang resulta ng halalan.
Ito ang binigyang diin ni Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Executive Director Maribel Buenaobra sa nakatakdang pagsasagawa ng PPCRV ng unofficial parallel count upang matiyak na walang dagdag-bawas na magaganap sa resulta ng nakatakdang Midterm Elections.
Paliwanag ni Buenaobra, layunin ng unofficial parallel count na matiyak ang resulta at kredibilidad ng halalan sa pamamagitan ng pagbabantay at pagsusuri sa mga transmitted results ng Commission on Elections (COMELEC).
“Kami po ay magsasagawa ng unofficial parallel count, bibilangin po natin yung mga free transmission election return at titingnan po, iko-compare po natin yan sa mga transmitted results ng COMELEC para makita po natin na wala pong dayaan na nangyayari, alam naman po natin wala naman pong dayaan sa makina, yung human intervention ang nangyayari gusto po nating maiwasan ang dagdag-bawas,” ang bahagi ng pahayag ni Buenaobra sa panayam sa Radyo Veritas.
Bukod sa pagtiyak sa teknikal na pagbabantay sa resulta ng halalan ay nauna na ring nanawagan ang PPCRV sa mga botante lalu na sa mga kabataan na makibahagi sa pagbabantay sa halalan sa May 13, 2019.
Bahagi rin ng layunin nang inilunsad na PPCRV Youth Ambassadors at Youth campaign ay upang mahimok ang mas maraming kabataan na makilahok at makibahagi sa mga usaping panlipunan lalu na ang halalan dahil sa tungkulin na kanilang ginagampanan para sa kinabukasan ng bayan.
Sa tala ng Commission on Elections (COMELEC), may 20-milyon mula sa 60 milyong rehistradong botante ay mga kabataan nasa edad 18 hanggang 35 taong gulang.