19,289 total views
Ikinalungkot ng Archdiocese of Manila ang karahasan sa Marawi City ng pasabugin ang Dimaporo Gymnasium ng Mindanao State University kamakailan.
Ayon kay Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula lubhang nakababahala ang insidente lalo’t katatapos lamang ng Red Wednesday campaign ng simbahan kung saan ginunita ang mga inuusig na kristiyano dahil sa pananampalataya.
“The Archdiocese of Manila mourns the loss of innocent faithful who perished at Mindanao State University-Marawi bombing while attending the Holy Eucharist on the first Sunday of Advent,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Advincula.
Tiniyak ng arsobispo ang pakikiisa at pananalangin para sa kahinahunan at katatagan ng mga biktima ng pambobomba lalo na sa pamilya ng 11 nasawi sa insidente.
Ayon sa Philippine National Police natukoy na ang pagkakilanlan ng dalawang suspek sa MSU bombing na hinihinalang kasapi ng local terrorist group na may kaugnayan sa Islamic State in Iraq and Syria (ISIS).
Gayunpaman umaasa si Cardinal Advincula na magkaroon ng pagpanibago ng puso ang mga nasa likod ng krimen.
“As for you who have done this merciless crime, we are praying for your conversion may the Lord touch your heart so that you may realize the evil you have done and make right your brutal wrongdoing,” ani ng cardinal.
Una nang nagpabatid ng pakikiisa at panalangin ang Kanyang Kabanalan Francisco sa pamayanan ng Prelatura ng Marawi na pinangangasiwaan ni Bishop Edwin Dela Pena gayundin ang kahilingang kalingain ng Mahal na Ina ang bawat nagdurusa dahil sa karahasan.
Apela ni Cardinal Advincula sa awtoridad ang masusing imbestigasyon upang mabigyang katarungan ang mga biktima ng pagsabog sa Marawi.
“While we condemn this violent act and hope for justice to be served, we also continue to pray and seek concrete ways where it can contribute to the attainment of lasting peace not only in Mindanao but in the whole country as well,” dagdag pa ni Cardinal Advincula.