26,340 total views
Ipinapanalangin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang kaligtasan ng mamamayan ng Taiwan kasunod ng 7.2 magnitude na lindol nitong April 3.
Tiniyak ni CBCP-Episcopal Commission on Migrants’ and Itinerant People Vice Chairman, Antipolo Bishop Ruperto Santos ang pakikiisa mga biktima ng lindol lalo na sa mahigit 100-libong Filipino migrants sa lugar.
“We are also worried about their wellbeing and welfare. We are one and united with them, especially with Filipino migrants,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Nangyari ang pagyanig alas otso ng umaga kung saan naitala ng Taiwan’s earthquake monitoring agency ang 7.2 magnitude habang naitala naman ito ng U.S. Geological Survey sa 7.4.
Naramdaman ang pagyanig sa ilan pang lugar tulad ng Shanghai at Fujian province ng China, ilang lugar sa Japan gayundin sa hilagang bahagi ng Pilipinas partikular sa Batanes, Cagayan, Ilocos Norte at Isabela.
Huling niyanig ng malakas na lindol ang Hualien county noong 2018 habang naitala ang itinuturing na deadliest quake noong September 21, 1999 na umabot sa 7.7 magnitude kung saan mahigit 2, 000 indibidwal ang nasawi, 100-libo ang nasugatan at libu-libong gusali ang napinsala.
Ipinag-utos na rin ni Bishop Santos sa mga Filipino chaplains ang pag-alay ng mga misa para sa natatanging intensyon sa kahinahunan at kaligtasan ng mga biktima.
“We pray for them and we have asked our Filipino chaplains to offer Holy Masses for safety, sound health and our Almighty God in His mercy and power may bring comfort and healing to those afflicted, pacify and stop earthquakes and tremors,” ani Bishop Santos.
Batay sa pag-aaral ang Taiwan ay nakapaloob sa Pacific “Ring of Fire,” na matatagpuan ang seismic faults na nakapaligid sa Pacific Ocean kung an nangyayari ang pinakamalalakas na pagyanig.