458 total views
Inihayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na mahalaga ang pananalangin sa Panginoon upang matamasa ang kapayapaan sa lipunan.
Ito ang mensahe ng Cardinal sa ginawang pagtalaga sa Russia at Ukraine sa Kalinis-linisang Puso ni Maria bilang pakikiisa sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco.
“Prayer is the most fundamental act of peace building because true peace is heavens gift to earth; peace can only come from God, it cannot be produced by mere human achievement,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Ayon kay Cardinal Advincula, ang pagtitipon ng sambayanan upang italaga ang Russia at Ukraine ay pakikidalamhati sa karanasan ng mga naiipit sa digmaan lalo na ang mga inosenteng sibilyan at maging ang iba pang uri ng karahasan sa iba’t ibang bahagi ng mundo kabilang na sa Pilipinas.
Hinimok ni Cardinal Advincula ang mananampalataya na hilingin sa Diyos ang awa at pagpapatawad sa mga pagkakasalang nagawa ng sangkatauhan kabilang na ang paglimot sa pangangailangan ng kapwa at hindi pagkakaunawaan na nagresulta ng karahasan.
Sinabi ng Cardinal na higit na kailangan natin ang Panginoon at mabuting pakikipagkapwa tao sa pagkakamit ng kapayapaan sa lipunan.
“We need God if we want lasting peace for all, we need God to offer us the peace that this world cannot give; ang tunay na kapayapaan ay ang ganap na kabutihan at kaunlaran ng buong tao at ng lahat ng tao,” dagdag pa ni Cardinal Advincula.
Iginiit ng Cardinal na kailanman ay hindi tugon ang armas at karahasan sa hindi pagkakaunawaan bagkus ay higit dapat na isulong ang pagdadayalogo tungo sa mapayapang lipunan.
February 24 nang sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng dalawang bansa dahil sa pananakop ng Russia at Ukraine.
Makalipas ang isang buwan mahigit sa tatlong milyong Ukrainian ang lumikas sa mga karatig bansa sa Europa para sa kanilang kaligtasan habang sampung libong katao naman ang nasawi sa magkabilang panig.
Kasama ni Cardinal Advincula sa pagtalaga sa Russia at Ukraine si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown, Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias, mga pari, madre, relihiyoso, layko at mga kinatawan ng iba’t ibang bansa sa Pilipinas. Pagkatapos ng Banal na Misa at pagdarasal sa Act of Consecration to the Immaculate Heart of Mary isinagawa naman ang prusisyon at pagdarasal ng Santo Rosaryo sa Plaza Roma para sa natatanging intensyon ng kapayapaan sa buong mundo lalo na sa Ukraine at Russia.
Nakikiisa rin ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pagtatalaga sa Russia at Ukraine sa kalinis-linisang puso ni Maria.
Read:
Prayer vigil sa kapayapaan ng mundo, ipinag-utos ng Obispo sa mga Pari
Pagtatalaga sa Our Lady of Fatima Chapel, napapanahon sa kaguluhang hinaharap ng mundo