526 total views
Magsasagawa ng Prayer March ang Diyosesis ng Marbel bilang panawagang ipagwalang-bahala ang desisyon ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato sa pag-amyenda sa environmental code ng lalawigan.
Ayon kay Marbel Social Action Director Fr. Jerome Milan, layunin ng ‘prayer march’ na maipaabot kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo, Jr. ang hinaing at panawagan ng mga residente at iba’t ibang sektor ng pamayanan kasama na ang Simbahan laban sa pagbibigay ng pahintulot na makapagsagawa ng pagmimina sa lalawigan lalo na sa bayan ng Tampakan.
“Kasama po ang lahat sa pagpapahayag ng gustong ipaabot kay Governor Tamayo na hikayatin siya at mag-appeal sa kanya na i-veto ‘yung amended na version ng in-approve ng Sangguniang Panlalawigan doon sa environmental code ng South Cotabato.”
Isasagawa ang prayer rally bukas (June 1) sa Christ the King Cathedral Compound ganap na alas-nuebe ng umaga at mula sa katedral ay maglalakad patungo sa kapitolyo ng South Cotabato.
Dagdag ni Fr. Milan, kasama sa kanilang panawagan ang kaligtasan maging ng mga karatig na lalawigan ng South Cotabato na posible ring maapektuhan sakaling tuluyang pahintulutan ang pagmimina.
“Sana samahan n’yo po kami, magkaisa po tayo. Ipakita natin sa ating gobernador na ayaw po natin at tutol tayo doon sa pagbago sa environmental code at pagbawi sa ban on open-pit mining sa lalawigan ng South Cotabato,” saad ni Fr. Milan.
Nauna nang umapela ng pananalangin at pag-aayuno si Marbel Bishop Cerilo Casicas para sa kalinawan ng pag-iisip ang mga lokal na pinuno ng South Cotabato sa panganib ng open-pit mining sa lalawigan.
Ang desisyo ng Sangguniang Panlalawigan ang muling magpapahintulot sa malawakang operasyon ng pagmimina sa lalawigan, kabilang na ang $5.9 bilyong Tampakan copper-gold mining project ng Sagittarius Mines, Inc.