393 total views
Hinihikayat ng Diocese of Parañaque ang mamamayan na samantalahin ang dalawang linggong muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region upang sama-samang ipanalangin na tuluyan ng matapos ang panahon ng pandemya na dulot ng COVID-19.
Ito ang paanyaya ng diyosesis para sa pananalangin ng Prayer of Hope in Time of Covid-19 lockdown na binuo ni Parañaque Bishop Jesse Mercado, D.D. na dadasalin matapos ang Angelus tuwing alas-sais ng gabi mula ika-6 hanggang ika-20 ng Agosto.
Bukod sa paanyaya para sa pananalangin ng bawat pamilya ay hinihikayat rin ng diyosesis ang lahat ng mga parokya na dasalin ang naturang panalangin kasunod ng post-communion prayer sa banal na misa partikular na sa Friday livestreamed masses na loob ng dalawang linggong pagpapatupad ng ECQ sa NCR.
“We encourage everyone, especially families in their homes, to join in reciting the Prayer of Hope in Time of Covid-19 Lockdown by Bishop Jesse E. Mercado, D.D from August 6-20, 2021 after the 6:00 PM Angelus. We also invite all parishes to recite this prayer in all their Friday livestreamed masses (Aug. 6, 13 and 20) after the Post-Communion Prayer.” paanyaya ng Diocese of Parañaque.
Layunin ng Prayer of Hope in Time of Covid-19 Lockdown na binuo ni Bishop Mercado na patatagin ang pananampalataya at pag-asa ng bawat isa sa kaloob ng Panginoon sa harap ng pagsubok na kinahaharap ng bansa mula sa banta ng iba’t ibang variants ng COVID-19 virus partikular na ang Delta variant.