13,763 total views
Iginiit ni Cebu Arcbishop Jose Palma na dapat seryoso ang bawat pulitiko sa hangaring maglingkod sa kapakanan ng nakararami.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa ikalawang araw ng novena mass para sa Prayer Power na inisyatibo ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting bilang paghahanda sa nalalapit na Midterm National and Local Elections sa Mayo.
Ayon kay Archbishop Palma, kung naisabuhay ng bawat pulitiko ang tunay na mithiin ng pulitika ay matatamo ng lipunan ang pagkakaisa at pagbubuklod ng mamamayan tungo sa kapayapaan.
“If politics is lived according to its very purpose, then it’s one way of bringing about peace. The intention of the politician should be in the service for the real peace for the people. Anything less than service is certainly not a very good intention,” ayon kay Archbishop Palma.
Sinabi ng arsobispo na ang pulitika ay maituturing na biyaya kung ginagampananan at isinasabuhay ang mga gawaing makabubuti sa pamayanan lalo na sa mga nasasakupan ngunit sumpa naman kung mas binibigyang pagpapahalaga ang pansariling interes ng mga pulitiko lalo na ang malawakang katiwalian at korapsyon na magiging ugat ng kahirapan, kagutuman, at iba pang suliraning panlipunan.
Kinilala ni Archbishop Palma ang pagsisikap ng PPCRV na maimulat ang kamalayan ng mga Pilipino sa wastong pagpili ng mga lider ng bansa subalit batid din nitong maraming hadlang sa pagkamit ng hangarin kaya’t dalangin nitonog magkaisa ang sambayanan tungo sa kabutihan at sa pag-asang may magandang bukas ang Pilipinas.
Inilunsad ng PPCRV ang Prayer Power upang ipanalangin ang aktibong pakikibahagi ng 68 milyong botante sa bansa at matiyak ang ‘clean, honest, accountable, and peaceful’ o CHAMP May 2025 elections.
Sinimulan ng PPCRV ang Prayer Power Journey for Election noong December 2024 hanggang sa May 12, 2025 sa araw ng halalan.
Nakatakda naman ang PPCRV Mindanao ang host region para sa susunod na buwan kung saan pangungunahan ni Davao Archbishop Romulo Valles ang pagdiriwang ng Banal na Misa.