30,152 total views
Hindi pinahintulutan ng lokal na pamahalaan ng Guiuan, Eastern Samar ang hiling ng Diocese of Borongan na magsagawa ng prayer rally laban sa mapaminsalang pagmimina sa Samar Island.
Sa inilabas na kautusan ni Guiuan Mayor Annaliza Gonzales-Kwan, hindi nito pinahintulutan ang nakatakdang Jericho Walk: Dasalakad para sa Samar Island ngayong Nobyembre 29-30, 2023 sapagkat ayon sa alkalde ay maaari itong pagmulan ng kaguluhan at karahasan sa lugar.
“This Office notes that the exercise of the right of freedom of speech and to peacefully assemble and petition the government for redress of grievances is not absolute for it may be so regulated that it shall not be injurious to the rights of the community or society,” bahagi ng kautusan ni Gonzales-Kwan.
Oktubre 16, 2023 nang hilingin ng Diyosesis ng Borongan sa pamamagitan ni Commission on Social Action Director Fr. James Abella ang pagpapahintulot sa anti-mining prayer rally sa Guiuan at nabanggit na nasa 2,000 hanggang 3,000 indibidwal mula Leyte at Samar, at walang mga “makakaliwang grupo” ang dadalo sa pagtitipon.
Samantala, Nobyembre 03, 2023 naman nang magpasa rin ng petisyon para sa pro-mining rally sina Vicente Badar; Carlos Caliwan; Herminigildo Badilla, Jr.; at Zacarias Baldecañas, Jr., pawang mga punong barangay ng San Jose, Hamorawon, Buenavista, at Banaag sa Manicani, Guiuan, Eastern Samar.
Ayon sa mga punong barangay, ang kanilang pagpapasa ng petisyon ay dahil nainsulto at nabahala ang mga ito sa maaaring gawin ng mga grupong tutol sa pagmimina.
Agad namang nagpagtawag ng magkahiwalay na pagpupulong si Gonzales-Kwan sa dalawang panig upang tukuyin ang mga magiging programa at magiging sitwasyon sakaling pahintulutan ang pagtitipon.
Gayunman, napagkasunduan ng tanggapan ng alkalde na ipagpaliban at hindi pahintulutan ang kahilingan ng dalawang panig para na rin sa kapayapaan at kaligtasan ng mamamayan.
“After a careful consideration of the foregoing and in the greater interest of the general welfare of the people of Guiuan, this Office finds that the intended rallies will not promote healing, unity, and peace in the Municipality, but will create conflict and dissension among the town residents,” ayon kay Gonzales-Kwan.
Magugunita noong Agosto 7, 2023 nang unang magsagawa ng Jericho Walk ang Diyosesis ng Borongan na dinaluhan ng humigit-kumulang 2,000 indibidwal kasama ang mga kinatawan mula sa Diyosesis ng Calbayog at Catarman sa Northern Samar.
Una nang kinondena ni Borongan Bishop Crispin Varquez ang pagpapatuloy ng pagmimina lalo na sa Homonhon at Manicani Island dahil sa pinsalang dulot nito sa kalikasan at buhay ng mamamayan.