203 total views
Inihayag ni Marinduque Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. na sa pamamagitan ng katahimikan at kalinisan ay mapalalalim ng mga mananampalataya ang kanilang pagninilay ngayong mahal na araw.
Ayon sa Obispo, mahalagang magkasama ang dalawang elemento upang mapanatili ang kasagraduhan ng mga mahal na araw na syang panahon ng pagninilay sa ginawang sakripisyo ng Panginoong Hesus.
Giit pa ni Bishop Maralit, kinakailangang magmula sa mga mananampalataya ang “sense of responsibility” na panatilihin ang “prayerful atmosphere” ngayong Semana Santa.
“One of the signs of our own pagpapalalim ng reflection is when we see our significance sa paligid natin in every sense of the world hindi lamang sa physical. Huwag magkalat, we take care of everything that surrounds us because at the end of the day it affects us, but sa akin ganun din sa atmosphere ng season, when people see other people praying, it creates a prayerful atmosphere, palagay ko yung ganung sense of responsibility”.pahayag ni Bishop Maralit sa panayam ng Radio Veritas
Kaugnay nito, hinimok ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang mananampalataya na pahalagahan ang kalikasan sa paggunita ng mahal na araw.
Ayon sa Obispo, ngayong Kuwearesma isang paraan ng pagpapamalas ng pagmamahal sa Diyos at sa kalikasan ay ang pagdidisplina sa sarili, at pagpapanatili ng kalinisan dahil ito ang nagbibigay buhay sa bawat nilalang.
Dagdag pa ni Bishop Ongtioco, ang mga isasagawang prusisyon ay paalala na dapat igalang ng tao ang lahat ng uri ng buhay dahil ito ay regalong nagmula sa Panginoon.
“Katulad ng ipinaalala ni Pope Francis, mahalin natin ang ating kapaligiran, ang ating kalikasan. Ang isa sa paraang mahalin natin ay panatilihing nasa maayos, itapon ang basura sa tamang lugar. Pagpapahalaga sa kalikasan because ito ang nagbibigay buhay sa atin. So itong [mga prusisyon], ito’y panawagan upang maging somewhat, buhay na paalala na dapat ang tao igalang, irespeto ang buhay, it reminds people na ang buhay ay isang regalong galing sa Diyos na dapat natin pangalagaan at respetuhin,” pahayag ni Bishop Ongtioco.
Ngayong Semana Santa inaasahang 80 porsyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ang makikiisa sa mga gawain sa bawat Parokya at Diyosesis.
Kaugnay dito, muli namang magsasagawa ng Penitential Walk ang Radyo Veritas at Archdiocese of Manila para alalahanin at pagnilayan ang pagpapakasakit ni Hesus sa Biyernes Santo.
Nauna rito, hinimok din ni CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People chairman Balanga Bishop Ruperto Santos ang sambayanang Filipino na i-alay para sa kapayapaan ang pagsasakripisyo at panalangin ngayong Semana Santa.
Read: http://www.veritas846.ph/panalangin-pagsakripisyo-sa-mahal-na-araw-alay-para-sa-kapayapaan-sa-bansa/