426 total views
Tiniyak ng Prelatura ng Batanes ang pakikiisa ng buong Simbahang Katolika sa vaccination roll-out program sa Batanes upang mapanatiling COVID-Free ang probinsya.
Ayon kay Batanes Bishop Danilo Ulep, handa na ang mag lingkod ng Simbahan sa prelatura upang magpabakuna bagamat nasa A2 priority group o mga senior citizens pa lamang ang binabakunahan at nasa A4 category naman kabilang ang mga lingkod ng Simbahan bilang mga spiritual frontlines.
Pagbabahagi ng Obispo, isa sa kanyang mga tiniyak sa Provincial COVID-19 Task Group sa probinsya ay ang aktibong pagtugon ng buong Prelatura ng Batanes sa kasalukuyang vaccination roll-out program ng lokal na pamahalaan upang magsilbi ring huwaran at mahikayat ang iba pang mamamayan na magpabakuna laban sa COVID-19.
“As the Church leadership is concern and that includes myself and the priests of course all the priests are available and ready to take the vaccine, sabi ko nga sa [Provincial COVID-19] Task Force Group that although we are still on the A4 category, the moment the vaccination will be done on that group then I told the Task Group that they can count on the priest to be the first to sign up for the vaccination.” pahayag ni Bishop Ulep sa Radio Veritas.
Paliwanag ni Bishop Ulep, bagamat kabilang sa A4 priority group ang mga lingkod ng Simbahan tulad ng mga Pari at mga Obispo ay maaari naman mas unang mabakunahan ang ilang mga lingkod ng Simbahan sa ilalim na rin ng A3 priority group dahil sa pagtataglay ng comorbidity.
Pagtiyak ng Obispo, katuwang ng lokal na pamahalaan ang buong Prelatura ng Batanes sa pagsusulong ng vaccination roll-out program upang mapanatiling COVID-Free ang probinsya.
“Some of our priest can also be qualified under the A3 group including myself because of comorbidity so mostly may mga underlying medical conditions so I think it’s not a problem for the priests and for myself as far as agreeing to be vaccinated is concern so we are ready and we look forward to receive the vaccines.” Dagdag pa ni Bishop Ulep.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Batanes, matapos na mabakunahan ang halos 90-porsyento ng mga medical frontliners sa probinsya ay kasalukuyan ng tinututukan ang pagpapabakuna sa mga Senior Citizens o mga kabilang sa A2 Priority Group.
Batay sa 2018 data ng Philippine Statistics Authority (PSA) nasa mahigit 17-libo ang bilang ng populasyon sa Batanes kung saan target ng Provincial COVID-19 Task Group na mabakunahan ang nasa 14-libong indibidwal upang makamit ng probinsya ang herd immunity mula sa COVID-19.