156 total views
Labis na nagpapasalamat ang Prelatura ng Batanes sa mga tumulong para sa kanilang pagbangon matapos masalanta ng Typhoon Ferdie na sinasabing sinlakas ng bagyong Yolanda nitong Setyembre 14.
Ayon kay Bishop Camilo Gregorio, partikular siyang nagpapasalamat sa Catholic Relief Service, Caritas Manila, Radyo Veritas at iba pang institusyon na agad dumamay sa kanila.
Dagdag ng obispo, unti-unti na silang nakakabangon dahil sa tulong ng iba’t-ibang samahan kasabay ng apela na nangangailangan pa rin sila ng mga gamit sa paggawa ng bahay dahil sapat naman ang supply ng pagkain at mga gamot.
“Nagpapasalamat ako lalo na sa Radyo Veritas agad-agad kayong nagresponde sa aming mga pangangailangan at mga parokya obispo, pari at agencies na tumulong sa aming pangangailangan…Right now medyo mahirap kasi nawasak lahat ang structures maging ang mga bahay, nasira, which never happened before, ang problema namin is construction materials more than food, siyempre kailangan din namin ng pagkain, we have enough supply of medicine at the moment. Hinihintay din namin ang mga materyales na idinonate sa amin dahil hindi pa nakakarating ang mga barko… dahil very fast ang resiliency ng mga Ibatan kaya normal na ang buhay, nawalan kami ng komunikasyon kailan lang nagkakuryente, ” Pahayag ni Bishop Gregorio sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council higit sa 4,500 pamilya ang naapektuhan at higit 2,000 bahay ang nasira maliban pa sa nawalan sila ng komunikasyon, supply ng tubig at kuryente na kailan lamang naibalik.
Una ng inilunsad ng Catholic Church sa pamamagitan ng National Secretariat for Social Action NASSA Caritas Philippines ang isang solidarity appeal sa lahat ng 85 diocese sa bansa na tulungan ang Batanes matapos salantain ng Typhoon Ferdie nitong Setyembre na sinasabing sinlakas ng super typhoon Yolanda.
Ayon kay NASSA/Caritas Philippines National Director Archbishop Rolando Tria Tirona, labis ang pangangailangan ng mga taga Batanes ng tulong at ipinarating ito sa kanila ni Prelatura ng Batanes Bishop Camilo Gregorio.
Para sa mga nais tumulong maaring magdonate sa Prelature of Batanes bilang Account Name habang ang Account Number ay 3751 0415 69 sa ilalim ng BPI, checking account.