28,953 total views
Mariing kinundena ng Prelatura ng Marawi ang pagpasabog sa Mindanao State University Gymnasium nitong December 3.
Iginiit ng Prelatura na kalunos-lunos ang nangyaring karahasan lalo’t ang mga biktima ay dumalo sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa unang Linggo ng Adbiyento.
Gayunpaman, patuloy ipinagkatiwala ng prelatura sa Panginoon ang mga pangyayari sa lipunan at umaasang mangingibabaw ang kapayapaan at pagkakasundo ayon sa mensaheng hatid sa nalalapit na Pasko ng Pagsilang ni Hesus.
“We remain steadfast and hopeful in our faith to the Risen Christ that may justice and peace flow here in our prelature. In Him, we surrender all of the things that has happened for He is the Author of life,” bahagi ng pahayag ng Prelatura.
Sa ulat ng Philippine National Police alas siyete ng umaga ng mangyari ang pagsabog sa pagsisimula ng misa kung saan apat katao ang nasawi habang mahigit sa 40 na ang nasugatan.
Umapela ng panalangin ang prelatura na pinamumunuan ni Bishop Edwin Dela Pena para sa katatagan at kahinahunan lalo na sa pamilya ng mga nasawing biktima.
“We are humbly asking for your prayers for the souls who died this morning, their families who were devasated of this cruel tragedy, the clergy and religious of the Prelature of Mary that may God through Our Lady, Help of Christians inspire our hearts to persevere in the trials and difficulties that this life has brought to us right now,” panalangin ng prelatura
Pinasalamatan naman ni Bishop Dela Pena ang Santo Papa Francisco na nagpaabot ng pakikiisa at panalangin sa komunidad ng Marawi gayundin sa buong Mindanao na patuloy makamtan ang kapayapaan.
“Thank you very much, Holy Father, Pope Francis for your love, concern and prayers for our little flock in the Prelature of Marawi,” pahayag ni Bishop Dela Pena.
Patuloy ang imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines at PNP sa insidente lalo’t nangyari ang pang-atake dalawang linggo nang mapaslang mng militar ang 11 indibidwal na hinihinalang kasapi ng teroristang grupong Dawlah Islamiyah sa Maguindanao Del Sur.