523 total views
Palakasin ang lokal na produksyon ng Agricultural sector ng bansa.
Ito ang panawagan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa itinalagang kalihim ni President-Elect Ferdinand Marcos Junior sa Department of Finance, Trade and Industry at National Economic and Development Authority.
Iminungkahi ni Danilo Ramos, pangulo ng K-M-P na tuluyan ng iwaksi ang pagtangkilik sa mga imported agricultural products.
“Unang-unang po nakita na sa mahabang panahon na sa halip na palakasin ang lokal na produksyon ng pagkain lalu na’t staple food natin ang rice, corn, vegetables, isda, poultry at livestock ay prayoridad ng pamahalaan ang importasyon,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Ramos.
Tinukoy ni Ramos ang datos ng Food Nutrition Research Institute na sa ilalim ng administrasyong Duterte ay umaabot na sa 60-milyong mamamayan ang nakaranas ng kagutuman.
“Pre-pandemic po remember, ang sabi ng United Nation Food and Agriculture Organization, July 2017 prior to pandemic ay 59-million Filipinos ang nagugutom at hindi po nakakain ng sapat. Sinabi rin ng Food Nutrition Research Institute pre-pandemic 64-million filipinos ang hindi kumakain ng maayos at hindi sapat ang nutrisyon sa araw-araw,” pahayag ni Ramos
Naunang tiniyak ni Florinda Lacanlalay – Hapag-asa Integrated Feeding Program Consultant, ang kahandaan ng institusyon sa banta ng food crisis dahil sa epekto ng pandemya, mataas na presyo ng mga produktong petrolyo at digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.