362 total views
Mahalagang taglay ng kandidato sa pagkapangulo ang paniniwala sa katotohanan at agham.
Ito ang pagbabahagi ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) kaugnay ng kanilang pahayag na may titulong “A CALL TO MORAL COURAGE IN THE 2022 ELECTIONS”.
Bagamat walang binanggit na pangalan ay kinukundena ng samahan ng mga Katolikong paaralaan ang mga kandidatong ibinabahagi ang ‘Martial Law’ na nakatulong sa Pilipinas.
Kasama dito ang pagkundena sa mga kandidatong tahasang sinuportahan ang madugong “war on drugs” ng kasalukuyang administrasyon at pagsasawalang kibo ng pamahalaan sa patuloy na pagkamkam ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas.
Iginiit ni CEAP Executive Director Jose Allan Arellano na mahalagang maging katangian ng mga presidential candidates ang pagkakaroon ng sapat na impormasyon at pag-unawa upang epektibong mapaunlad ang sektor ng edukasyon higit na sa patuloy na pagharap ng bansa sa krisis ng Pandemya.
“Ang kandidato sa pagkapangulo ay dapat naniniwala sa agham at katotohanan para magkaroon ng tamang pananaw sa pagpapaunlad ng edukasyon. Hindi pwede naniniwala at gumagamit ng fake news para manlinlang. Dapat hindi nya babaguhin ang kasaysayan at matututo siya dito para sa ikabubuti ng bansa,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Arellano sa Radio Veritas.
Ayon kay Arellano, kailangan din ng platapormang magdaragdag ng pondo upang mapabuti ang mga pampubliko at pampribadong paaralan para mapataas ang antas ng edukasyon sa Pilipinas.