205 total views
Pinayuhan ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona – National Director ng CBCP NASSA/Caritas Philippines ang mamamayang Filipino na mag-ingat at iwasang magkaroon ng Zika virus.
Pinayuhan ni Archbishop Tirona ang publiko na panatilihin ang kalinisan sa loob at labas ng tahanan, at gumamit ng mga insect repellents upang matiyak ang kaligtasan ng kalusugan.
“Ngayon ay halos wala nang safe na lugar, kaya sa ganitong mga sitwasyon ang laging armas natin ay pag-iingat, preventive lagi,” pahayag ni Abp. Tirona.
Dagdag pa ni Abp. Tirona, mahalagang sundin ang payo ng mga doktor at eksperto dahil sila ang tunay na nakaaalam kung paano maiiwasan ang karamdaman.
“Sumunod tayo sa mga suggestions o payo ng ating mga Health Officers dahil sila ang mas nakakaalam, mahalaga na sumunod tayo sa kanila.”
Kamakailan, tinipon ng Department of Health ang iba’t ibang Faith based organizations upang palawakin ang kampanya ng ahensya kontra sa lamok na nag dadala ng Zika Virus.
Ayon kay DOH Asisstant Secretary Erik Tayag, malaki ang gampanin ng mga religious organizations upang mabigyang kaalaman ang publiko tungkol sa zika virus.
Samantala, Ayon sa World Health Organization sa kasalukuyan ay 73 bansa na ang naiulat na may kaso ng zika virus.
Sa Pilipinas naman ay nakapag tala na ng 12 kaso ng zika hanggang sa kasalukuyan.