697 total views
Nagpahayag ng pagtutol si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilang nilalaman ng Senate Bill No. 1979 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Act of 2023.
Sa isang panayam sa sa Taguig City, sinabi ni Pangulong Marcos Jr., na ang ilang bahagi ng panukalang batas ay hindi naaangkop o katanggap-tanggap at labis na nakakabahala.
Sinabi ng Pangulo na labis niyang ikinagulat ang mga elementong nabasa niya sa bill kung saan isinusulong na turuan ng maseselang bagay kahit ang mga apat na taong gulang na bata.
Binatikos din ng Pangulo ang kawalan ng pagsasaalang-alang sa karapatan ng mga magulang na magdesisyon kung kailan at paano dapat turuan ang kanilang mga anak ukol sa sekswalidad.
Nanindigan si Pangulong Marcos Jr. sa kahalagahan ng sex education sa mga paaralan ngunit nilinaw na dapat itong nakatuon sa tamang kaalaman ukol sa anatomy at reproductive health.
“Pero ‘yung mga sinama nila na mga woke na absurdities are abhorrent to me and I’m already guarantying, hindi pa napasa ito pero if this bill is pass in that form, I guarantee all parents, teachers and children, I will immediately veto it,” ang bahagi ng pahayag ng Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ng punong ehekutibo na mahalagang maituro ang mga bagay na ito sa mga kabataan, partikular ang consequences ng early pregnancy at paglaganap o prevalence ng HIV.
Ipinunto pa niya na mahalaga ang edukasyon upang mabigyan ang mga kabataan ng tamang kaalaman sa kanilang katawan at maiwasan ang maagang pagbubuntis at iba pang isyung pangkalusugan.