1,852 total views
Magpapasukan na naman, kapanalig. Marami na namang mga magulang ang nag kakanda-kumahog sa paghahanda sa pag-aaral ng mga anak. Naghahabol ng perang panggastos para sa matrikula at gamit sa paaralan. Mapalad ang may sapat na budget upang makapag-aral ngayong taon ang kanilang mga anak, lalo na sa kolehiyo. Napakamahal kasi kapanalig, ng matrikula ngayon, pati kanilang mga libro. Mahirap kayanin ito ng karaniwang Filipino.
Malaking achievement na, hindi ba ang makapagtapos ng senior high school sa ating bansa. Sa hirap ng buhay at sa dami ng gastusin sa loob at labas ng paaralan, parang nakatapos ng mahaba at nakakapagod na marathon ang mga magulang at kanilang anak kapag nakapagtapos na ng high school. Kaya lamang, ang mahal ng matrikula sa kolehiyo ay isang malaking balakid naman para sa marami.
Isa mga naging tugon, hindi lamang ng national governments, kundi ng local governments, kapanalig, ay ang pagpapatibay ng mga state universities at colleges sa ating bayan. Sa mga ganitong institusyon, mas mababa ang bayarin dahil subsidized ito ng nasyonal at lokal na pamahalaan. Ang RA 10931 Universal Access to Quality Tertiary Education Act ay isang malaking blessing sa maraming Pilipino. Dahil dito, mas maraming mga college students ang nakakapag-aral. Nabigyan ng batas na ito ng opsyon o magandang alternatibo ang mga bata– hindi na nila kailangan pang tumigil o maghanap ng pera para lamang maka-enroll sa pribadong kolehiyo. Tinatayang mga 50% na ng mga college students ay nasa mga pampublikong unibersidad o kolehiyo na.
Maganda sana na mas mapabuti pa natin ito. Sa ngayon kasi, hirap naman ang mga state universities na ma-accommodate ang dami ng enrollees. Daang libo ang mga mga nag-e-enroll sa ilang mga state colleges at universities, pero maliit na porsyento lamang ang kaya ng kapasidad nito. Dahil sa liit ng kapasidad, sa halip na mas maraming mga maralitang mag-aaral ang mga makakapasok, yung may kaya na lamang ulit ang makakapasok dito. Tandaan niyo kapanalig, hindi rin naman biro ang mga admissions tests sa mga paaralang ito. At yung may access sa review centers o programs o kaya galing sa de kalidad na paaralan ang siya na naman makaka-access nito. Suma total, magiging pribilehiyo na rin ang pag-aaral sa state universities at colleges kung kulang o maliit lamang ang kapasidad ng mga ito.
Kapanalig, kailangan suriin natin ang ating mga programa gamit ang lente ng maralita at panlipunang katarungan. Nagpapasalamat tayo sa mga biyaya at programang pang maralita, ngunit napakahalaga na atin silang pinapabuti para tunay nitong mapapaglingkuran ang tao at naabot ang mga bulnerable at walang access sa ating lipunan. Payo nga ng Economic Justice for All: Those who are marginalized and whose rights are denied have privileged claims if society is to provide justice for all.
Sumainyo ang Katotohanan.