243 total views
Hinimok ng grupo ng mga magsasaka ang Administrasyong Duterte na kagyat magpatupad ng price control sa presyo ng bigas.
Ayon kay Cathy Estavillo ng Bantay Bigas, hihimukin ng kanilang grupo katuwang ang National Federation of Peasant Women ang Pangulo na kumilos upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas dahil malaking epekto sa mga mahihirap.
“Itinutulak namin ang Pangulong Duterte na kagyat na maglabas ng Executive Order para sa pagtatakda ng presyo ng bigas o price control. “ bahagi ng pahayag ni Estavillo.
Iminungkahi ng grupo ang 34 hanggang 38 piso kada kilo ng bigas na mas mababa kaysa sa kasalukuyang presyo sa mga pamilihan na itinakda ng mga pribadong negosyante ng bigas.
Sinabi ng grupo na nakababahala ang kasalukuyang kalakaran ng mga pribadong trader na nagpapatupad ng mataas na presyo ng bigas na sa pagsasaliksik ng Bantay Bigas ay umaabot sa halos 80 piso kada kilo sa Zamboanga City habang sa Nueva Ecija naman na tinaguriang Rice Granary ng bansa ay umabot sa 56 na piso kada kilo.
Kinundena rin ng grupo ang pahayag ni Department of Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na gawing legal ang rice smuggling sa bansa upang makatulong na mapanatili ang sapat na suplay ng bigas sa Pilipinas.
“Si Duterte at Piñol ay baligtad kung mag-iisip, bilang Pangulo dapat i-secure ang food security na batay sa self-sufficiency pero umaasa sa import, bilang Agriculture Secretary na ang trabaho ay palakasin ang Agrikultura para sa self-sufficiency, nagtutulak ng Import.” dagdag ni Estavillo.
Dahil dito hinimok ng grupo ang maralitang sektor na magpahayag ng kanilang saloobin at hikayatin ang Pangulo na tugunan ang suliranin sa bigas sa pamamagitan ng pagpapalakas sa lokal na produksyon.
Maging ang Simbahang Katolika sa bansa ay nananawagan sa pamahalaan na magpatupad ng mga polisiyang titiyak sa suplay sa abot kayang halaga.