445 total views
Pinuri ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang hindi pagpapatupad ng Department of Trade and Industries (DTI) ng price hike sa mga bilihin sa merkado.
Ayon kay Father Jerome Secillano – CBCP Permanent Committee on Public Affairs Executive Secretary, malaking tulong sa mga consumer ang hakbang dahil kabawasan ito sa mga karagdagang isipin ng bawat pamilya.
“Malaking tulong sa mga konsyumer ang ginawa ng DTI. Sa tindi ng hirap ngayon, ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ay magdudulot lamang ng ibayong insekuridad at alalahanin sa pamilyang Pilipino, alam nating apektado din ang mga kapitalista sa nangyayaring gulo sa Russia at Ukraine. Tumaas din ang presyo ng paggawa at pag-a-angkat ng kanilang produkto,” ayon sa mensaheng ipinadala ng Pari sa Radio Veritas.
Batid naman ni Father Secillano na pansamantala lamang ang hakbang ng DTI at hindi parin mapipigilan ang pagtataas ng presyo ng mga bilihin.
Panawagan ng Pari sa pamahalaan na bigyan ng sapat na oportunidad at hayaan munang makabangon ang mamamayan mula sa ibat-ibang suliranin katulad ng pagkatanggal sa trabaho at pagkalugi ng kanilang mga negosyo ng dahil sa pandemya.
“Hayaan muna sanang makabangon ang ordinaryong mamamayan bago pa payagan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, Siguraduhin din sana ng pamahalaan ang agarang pagbibigay ng oportunidad sa mga ordinaryong Pilipino na makabawi sa pagkalugmok dala ng pandemyang dulot ng Covid 19,” ayon pa kay Father Secillano.
Naunang kinumpirma ni Ruth Castelo , USEC ng DTI na pagsusumite ng ilang kompanyang gumagawa ng gatas, canned goods at instant noodles ng price-hike request sa kagawaran.