2,368 total views
Nakatakdang maglabas ng isang polisiya ang Department of Energy upang mahigpit na masubaybayan ang mga presyo ng petrolyo sa merkado at maprotektahan ang interes ng mga consumer.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, ang bagong polisiya ay magbibigay daan upang mapaghiwa-hiwalay ang basehan ng pagpe-presyo sa mga petroleum products gaya ng gasolina, krudo o diesel, gaas o kerosene, jet fuel, bunker fuel oil at LPG.
Sa kasalukuyan, patuloy na nagsasagawa ng malalimang pagsusuri ang DOE kasama ang Oil Industry Management Bureau at ang mga industry stakeholders upang maging maayos ang paglulunsad at implementasyon ng bagong polisiya.
“The Department of Energy is set to issue a policy for the stringent monitoring of the prices of petroleum products as part of its initiative to protect the interest of the consumers. Identification of the costing for the major components of these petroleum products that may affect the pump prices would provide a higher level of transparency for our consumers, particularly the motorists.”pahayag ni Cusi.
Nakatakdang ilunsad ng DOE ang bagong patakaran sa katapusan ng buwan ng Hunyo ngayong taon.
Sa ilalim nito, oobligahin ng ahenya ang mga oil companies na magbigay ng abiso linggu-linggo kaugnay sa pagtaas at pagbaba ng mga presyo ng petrolyo.
Bukod dito, kinakailangan rin na magsumite ng baseline data sa DOE ang mga oil companies, bulk suppliers at retail outlets upang masubaybayan ng ahensya kung sumusunod ang mga ito sa mandatory price display board.
Ang bagong polisiya ay sang-ayon sa Republic Act No. 8479, o Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998.
Samantala, umaasa naman ang simbahang katolika na ang ganitong hakbang ng DOE ay makatutulong sa mamamayan lalo’t higit sa mga maliliit na mga motorist.