12,514 total views
Mga Kapanalig, kahapon ay ginunita natin ang Prison Awareness Sunday o ang Linggo ng Kamulatan sa mga Bilanggo. Itinakda ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang paggunitang ito tuwing huling Linggo ng Oktubre upang bigyang-pansin ang kalagayan at itaguyod ang mga karapatan ng mga kapatid nating bilanggo o persons deprived of liberty (o PDL). Sa taong ito, ang tema ng paggunita ay “Ang Pamayanang Koreksyonal: Magkakasamang Naglalakbay at Nagtataguyod ng Misyon ng Pagmamahal.” Binibigyang-diin ng temang ito ang pakikilakbay sa buhay ng mga PDL at pagtugon sa kanilang mga pangangailangan bilang bahagi ng misyon ng Simbahang Katolika.
Mabigat ang mga hamong kinakaharap ng sistemang pangkatarungan sa bansa, lalo na ng pamayanang koreksyonal. Ayon sa Bureau of Corrections (o BuCor), mayroong mahigit limampung libong PDL sa bansa hanggang nitong Hunyo. Nagsisiksikan sila sa pitong pangunahing bilangguan sa bansa na kasya lamang para sa labindalawang libong PDL. Katumbas ito ng congestion rate na 321%. Hindi pa kasama sa bilang na ito ang mga naka-ditene sa mga lokal na piitan habang hinihintay ang hatol ng hukuman. Ayon sa 2022 audit report ng Commission on Audit sa Bureau of Jail Management and Penelogy, may mahigit isandaan libong PDL sa mga lokal na piitan gayong kasya lamang ang mga ito para sa apatnapu’t anim na libong PDL. Katumbas ito ng congestion rate na 367%.
Hindi makatao ang kalagayan ng mga kapatid nating PDL sa mga siksikang bilangguan at piitan. Wala silang maayos na tulugan at hindi sapat ang sirkulasyon ng hangin, kaya mataas ang tiyansang magkahawaan sila ng sakit. Bunga ang malasardinas na kalagayan ng mga PDL ng iba’t ibang hamon sa sistemang pangkatarungan. Kasama sa mga ito ang mabagal na usad ng mga kaso sa mga korte (dahil na rin sa kakulangan ng mga hukom), madalas na pag-postpone ng mga pagdinig, at kakulangan ng mga piitan mismo. Ayon sa BuCor, sinusubukan nitong tugunan ang mga suliraning sakop ng ahensya. Ilan sa mga ito ay ang pagkuha ng karagdagang personnel, pagpapabilis sa pagproseso sa papeles ng mga PDL na maaari nang lumaya, at pagsasaayos ng mga piitan.
Itinuturo sa atin ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang mahalagang papel ng mga piitan upang maituwid ang mga maling nagawa ng mga nagkasala sa batas. Daan dapat ito sa kanilang pagsisi at pagbabalik-loob. May mga piitan, hindi lamang upang protektahan ang publiko mula sa mga krimen, ngunit para din maging instrumento ng pagbabagong-buhay ng mga nagkasala. Kinikilala ng pagtinging ito ang dignidad ng bawat tao sa kabila ng mga maling nagawa. Binibigyang-diin din nitong walang hindi maisasalba ang pagmamahal ng Diyos. Lahat ng tao ay may pag-asang magbago at magsimulang muli.
Sa kasamaang palad, malaking hadlang sa hangaring bigyan ng bagong buhay ang mga PDL ang kaawa-awang kalagayan ng mga bilangguan sa bansa. Paano sila mangangarap ng bagong bukas kung inaabot ng maraming taon ang pagdinig sa kanilang mga kaso? Paano sila makalilinang ng mga kakayahang maaari nilang magamit sa kanilang paglaya kung hamon araw-araw ang magkaroon ng espasyong makikilusan? Paano sila magsisimulang muli kung hindi makatao ang kalagayan ng mga piitang kinalalagyan nila?
Mga Kapanalig, sinabi ni Hesus sa Mateo 25:36, “Ako’y nabilanggo at ako’y inyong pinuntahan.” Kung malaking hamon ang dumalaw sa mga kapatid nating PDL, nawa’y masamahan natin sila sa panawagang maging makatao ang mga bilangguan at piitan. Buháy si Hesus sa mga kapatid nating PDL, silang mga isinasantabi sa ating lipunan. Muli, bahagi ng ating misyon bilang mga Kristiyano ang makilakbay sa kanilang pagbabagong-buhay.
Sumainyo ang katotohanan.