460 total views
Binigyang pagkilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang lahat ng prison chaplains at volunteers na patuloy na nagsisilbing daluyan ng habag, awa at pagmamahal ng Panginoon sa mga bilanggo maging sa gitna ng pandemya.
Sa pagninilay ni Bangued, Abra Bishop Leopoldo Jaucian – kasaping obispo ng kumisyon sa banal na misa para sa pagsisimula ng 34th Prison Awareness Week ngayong taon ay ibinahagi ng Obispo ang patuloy na koneksyon o ugnayan na naipapadama ng mga prison chaplains at Volunteers sa mga bilanggo.
Ayon sa Obispo, bagamat hindi makapasok sa mga bilangguan sa ngayon ang mga prison chaplains at volunteers ay hindi naman ito hadlang upang patuloy na maipadama pag-aaruga ng Simbahan sa mga bilanggo sa pamamagitan ng pananalangin para sa kanilang kaligtasan at kapakanan.
“Sa pamamagitan ng pagmamahal, Gifted to Love ng mga chaplains, ng mga volunteers sa prison apostolate kapag bumibisita po tayo hindi lang sa panalangin kundi sa gitna man ng pandemya ay hindi po tayo pinapayagang makapasok sa mga kulungan, nasa labas din tayo pero nandun pa rin po yung connection sa kanila yung ating pagmamahal sa kanila, pag-aaruga sa kanila. pagninilay ni Bishop Jaucian para sa pagsisimula ng 34th Prison Awareness Week.
Pagbabahagi ng Obispo, naaangkop lamang ang tema ng 34th Prison Awareness Week ngayong taon na “The Jail / Prison Chaplains and Volunteers: Gifted To Give Love that Restores Life, Hope and Healing to the Prison Community” upang bigyang pagkilala at parangal ang pagsasakripisyo ng mga prison chaplains, volunteers at coordinators na patuloy na nagsisilbing katuwang ng Simbahan upang patuloy na mabigyang pag-asa ang mga bilanggo.
“Ang tema natin ngayong taon “Gifted to Give Love that Restores Life, that gives Hope and Healing to the Prison Community” parangalan natin po yung mga selfless love ng mga chaplains, ng mga volunteers, ng mga person coordinators sa bawat dioceses at sa paggabay ng ating mga mahal na Obispo na miyembro ng komisyon na ito.” Dagdag pa ni Bishop Jaucian.
Paliwanag ng Obispo, naaakma ang tema ng 34th Prison Awareness Week ngayong taon sa paggunita ng bansa sa ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas na mayroong temang “Gifted to Give” na maituturing din na isang hamon para sa bawat isa upang maging instrumento ng pagbabahagi ng habag, awa ng diyos sa mga bilanggo.
“Itong taon as we celebrate 500 years [of Christianity in the Philippines] ‘Gifted to Give’ may each one of us by the care, by the love we had for our brothers and sisters who are deprived of their liberty in doing so may they see the face of Christ. To all the chaplains, to all the volunteers for the prison apostolates [I pray] that may the Lord Jesus use us as His instruments of compassion, mercy and love.” Ayon pa kay Bishop Jaucian.
Sa paggunita ng 34th Prison Awareness Week ngayong taon mula ika-25 hanggang ika-31 ng Oktubre, 2021 ay inaanyayahan ng Simbahan ang bawat mamamayan na magsilbing daluyan ng biyaya ng Panginoon para sa kapwa partikular na sa mga bilanggo sa pamamagitan ng pagbibigay pansin at pagtugon sa kanilang mga pangangailangan.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, ang bilanguan ang dapat na magsilbing pansamantalang tuluyan ng mga naligaw ng landas at nararapat na maging daan sa muling pagbabalik ng kabutihan sa puso at isip ng mga nagkasala.