361 total views
June 25, 2020-10:37am
Naninindigan ang prison ministry ng simbahan sa pagtutol sa death penalty sa Pilipinas.
Ito ang pahayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippnes-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) kasunod ng paggunita sa ika-14 na taon ng paglagda sa “Act Prohibiting the Imposition of the Death Penalty in the Philippines” noong 2006.
Sa nilagdaan pahayag nina CBCP-ECPPC chairman Legazpi Bishop Joel Baylon at executive secretary Fr. Nezelle Lirio ay iginiit ang paninindigan ng simbahan laban sa pagsusulong ng ilang mga mambabatas na maibalik ang capital punishment sa bansa.
“The Catholic Church in the Philippines opposes the moves of some legislators to reintroduce the Death Penalty once again in our statute books. We believe that the DP has no place in a Christian and civilized society like ours,” bahagi ng nilagdaang pahayag.
Nilinaw naman ng prison ministry na bagamat naniniwala ang simbahan na kailangang mapanagot ang mga lumalabag sa batas ay mas dapat na manaig ang paghilom at pagpapanibago sa halip na ang karahasan sa sistema ng katarungan sa bansa.
Ayon pa sa pahayag, “We believe that our Justice system should move beyond punishment towards a justice that promotes healing and rehabilitation. While we believe that offenders must be made accountable for their acts or omissions committed against their victims and the community, they should be given proper treatment to enable them to rehabilitate and change for the better.”
Ayon pa sa pahayag na bagama’t nakagawa ng paglabag sa batas ay hindi dapat na maisantabi ang dignidad ng tao na nararapat lamagn na mabigyan ng pagkakataon na pagsisihan at maitama ang kanilang nagawang pagkakamali.
Panawagan din ng simbahan sa mga mambabatas na lumikha ng mga batas na magbibigay halaga sa buhay at dignidad ng bawat isa sa halip na isulong ang pagbabalik ng parusang kamatayan.
Hunyo 2006 nang opisyal na lagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act 9346 na nagbuwag sa Death Penalty sa bansa.