5,895 total views
Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang mga mamamayan na maging volunteers at makiisa sa mga adbokasiyang isinusulong ang pagpapabuti ng buhay ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL).
Ito ang buod ng mensahe nila Prison Pastoral Care Chairman Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio at Executive Secretary Fr. Nezelle Lirio sa paggunita ng Prison Awareness Sunday at pagtatapos ng Prison Awareness Week sa temang: Ang Simbahan katuwang ng mga VIPS: Kaagapay sa Pagbabagong Puno ng Pag-Asa.
Ayon kay Bishop Florencio, sa pamamagitan ng pagiging bahagi ng ‘Volunteers in Prison Services’ o VIPS ay maipaparating ang kalinga sa mga nakakulong upang maipadama na kailanman ay hindi sila iiwan ng Panginoon sa anumang pagsubok.
“Bakit po kami nangangailangan ng tulong ninyo? dahil ito po ay kasama doon sa sinasabi ni Pope Francis na tayong lahat ay magkakalakbay, kahit sabihin natin na ito’y mga PDLs o Persons Deprived of Liberty, sila po ay behind bars ang katotohanan doon, tao parin sila, they have dignity, they are persons, they are also children of God,” bahagi ng panayam ng Radio Veritas kay Bishop Florencio.
Ayon naman kay Fr. Lirio, sa pamamagitan ng paglilingkod bilang volunteer o pagpapaabot sa anumang uri ng tulong ay pagpapakita sa pagbibigay puri sa Panginoon.
“Kaya kami po na nasa komisyon ay humihingi din po ng tulong sa inyo para samahan po kami sa ministry na ito, sa paglilingkod na ito ng sa gayon ay mas marami ang dumalaw sa loob ng bilangguan o pansinin yung kanilang pangangailangan, ang pangangailangan po na yun ay hindi lamang pisikal pero lalung-lalu na po ng espiritwal at gayundin po yung kanilang pangangailangan na maging bahagi mula ng isang buong sambayanan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Lirio.
Sa culminating activity, iginawad ng komisyan ang ‘Gawad Paglilingkod Awards’ na pagpaparangal at pagkilala sa mga volunteers o VIPS na naglaan ng kanilang oras at panahon upang kalingain ang mga PDL sa Pilipinas.
Sa tala, umaabot na ngayong 2024 sa 3,000 ang bilang ng mga VIP’ sa magkakaibang bahagi ng bansa, 148 na VIP’s ang ginawaran ng pagkilala kung saan umabot sa 43-VIPS ang ginawaran ng Gawad Paglilingkod Awards sa National Capital Region.