209 total views
Nanindigan si Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) at Catholic Education Association of the Philippines (CEAP) legal counsel Atty. Joseph Noel Estrada na ang libreng edukasyon ay hindi lang para sa mga mahihirap na kabataan sa mga pampublikong kolehiyo.
Nanawagan si Estrada sa pamahalaan na piliing mabuti ang magiging benepisyaryo ng House Bill 5633 o panukalang magbibigay ng libreng tuition fee sa mga estudyante sa State Univeristies and Colleges (SUC’s) at technical vocation schools.
Ayon kay Estrada, marami ding mahihirap na mag-aaral sa mga pribadong paaralan na nangangailangan ng tulong pinansiyal.
“In reality, mayroong mahihirap na nasa private school at mayroon din namang may kaya na naka-enroll sa SUC. Hanapin sana natin yung mga nangangailangan at bigyan ng subsidy ng gobyerno whether siya ay nasa SUC’s or nasa private school. Huwag sana limitahan lang ang tulong sa mga estudyante sa public schools,” pahayag ni Estrada sa Radio Veritas.
Nakasaad sa panukalang batas na bukod sa tuition fee ay sasagutin din ng gobyerno ang iba pang bayarin ng mga kwalipikadong mag-aaral at ang pagkakaroon ng Student Loan Program kung saan makakahiram ng pera ang mga estudyante mula sa pamahalaan.
Kaugnay nito, nababahala si Estrada dahil maaaring magdala ng malaking kalbaryo para sa mga pribadong paaralan ang House Bill 5633.
Katulad ng ibang mga panukala may mga risks involved. Magbibigay ng libreng edukasyon sa SUC’s baka ito ay magtrigger ng massive transfer papunta sa public. Kapag nangyari po iyon ay hindi kakayanin ng mga existing SUC’s yung pagdagsa ng estudyante sa kanila kaya ang mangyayari po imbes na maging affordable, mas lalong magiging magastos para sa gobyerno at maraming magsasara na private schools,”paglilinaw ni Estrada.
Pasado na sa huli at ikatlong pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nasabing panukala na nakakuha ng pagsang-ayon mula sa 221 mambabatas at inaasahang isasalang sa congressional bicameral conference upang isanib sa Unified Student Financial Assistance System na una nang naisabatas sa ilalim ng administrasyong Aquino noong 2015.
Sa tala, 55-porsiyento ng mga estudyante sa kolehiyo ay nag-aaral sa pribadong paaralan. Patuloy naman ang panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco na bigyan ng pagpapahalaga ang edukasyon sapagkat ito ay mabisang sandata sa pagharap sa mga hamon ng buhay.