230 total views
Paghuhubog ng konsensiya ay kailangang ipagkaloob sa mga mambabatas.
Ito ang naging pahayag ni CBCP – Permanent Committee on Cultural Heritage of the Church chairman Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa pagkapasa ng House 4727 o ang Reimposition ng Death Penalty Bill sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Bishop David, iginagalang nito ang 216 na kongresista na bumuto ng “Yes,” 54 na “No” at isang nag – abstain na bumuto sa idinidikta ng kanilang konsensiya at hindi nagpadala sa political pressure.
“Whether bumoto sila ng yes or no, igagalang ko ang kanilang boto kung ito’y ayon sa kani-kanilang konsensya. Kawawa naman ang bumotong labag sa konsensiya at nagpadala lang sa political pressure.” pahayag ni Bishop David sa panayam ng Radyo Veritas.
Gayunman, ikinabahala ni Bishop David ang pagpabor ng maraming mambabatas sa parusang kamatayan na pawang mga Katoliko.
Dahil sa pagkabahala, inihayag ng Obispo na napapanahon nang mabigyan ng “education of conscience” ang 126-Kongresista sa kahalagahan ng buhay.
Ang paglusot ng HB-4727 ay patunay ng pagkukulang ng Simbahan na hubugin ang konsensiya ng mga mambabatas na nagsusulong ng kultura ng kamatayan.
“Kung totoong boto ng konsensya ng nakararami iyon, ibig sabihin nagkulang talaga tayo sa paghubog ng konsensya (education of conscience) ng ating mga kongresistang Katoliko tungkol sa kabanalan ng buhay ng tao.” Giit pa ni Bishop David sa Veritas Patrol.
Samantala, kahapon ay nagpahayag na rin ng saloobin ang ilang mga Catholic schools sa pagsasagawa ng “#Noise for Life” na dinaluhan ng daan – daang mga estudyante, religious groups at pro – life advocates.
Nagpahayag na rin ng saloobin ang Catholic Bishops Conference of the Philippines na hindi ito magpapatinag upang harangin na tuluyang maisabatas ang House Bill 4727.(Romeo Ojero)