1,151 total views
Muling binigyan diin ng Pro-Life group ang paninindigan sa kahalagahan ng buhay laban sa mga death bill na nakabinbin sa kongreso.
Ayon kay Riza Dayrit-pangulo ng ProLife Philippines, ang usapin sa kahalagahan at pangangalaga ng buhay ng tao ay hindi lamang ng mga Katoliko kundi ng buong sangkatauhan.
“Because this is not about being Christian or catholic, it’s about human, about respect the life of another person. Hindi porket hindi ka katoliko pwede kang pumatay,” ayon kay Dayrit sa panayam ng Radio Veritas.
Tiniyak din ng ProLife ang patuloy na pakikibaka laban sa mga panukalang nakabinbin sa kongreso na laban sa buhay at pamilya kabilang na ang Sogie, abortion, divorce at death penalty.
Kabilang sa mga hakbang na isinasagawa ng grupo ang pakikipag-usap sa mga kongresista upang ipaliwanag ang pagtutol, gayundin ang pagbabahagi ng impormasyon sa publiko sa panganib na dulot ng mga panukala sa pamayanan at sa pamilyang Filipino.
Sa December 8, kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Inmakulada Conception ay muling magkakaroon ng pagtitipon ang ProLife group bilang pagtatanggol sa buhay na taunang isinagawa simula 2019.