30,913 total views
Inihayag ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang pagsisilbing pangunahing tagapagsalita ng pangulo ng Pro-Life Philippines sa nakatakdang Walk for Life 2024.
Ito ang ibinahagi ni LAIKO Executive Vice President Bro. Albert Loteyro, O.P. na siya ring chairman ng Walk for Life 2024 sa nakatakdang gawain na may tema ngayong taon na “Together, We Walk for Life”.
Ayon kay Loteyro, pangungunahan ni Pro-Life Philippines President Bro. Bernard Factor Canaberal ang keynote speech sa nakatakdang Walk for Life 2024 na inaasahang tatalakay sa patuloy na pagpapalakas sa misyon at adbokasiya ng mga layko para sa pagsusulong ng kasagraduhan ng buhay ng bawat nilalang.
“Walk for Life proudly announces that its keynote speaker for this year is Mr. Bernard Canaberal of Pro-Life Philippines. He is a passionate advocate of the pro-life mission and a prophetic voice for our time. Together, let us learn from him and be empowered as we continue to commit ourselves to promoting the culture of life.” Bahagi ng pahayag ng LAIKO.
Nakatakda ang Walk for Life 2024 sa ika-17 ng Pebrero, 2024 mula alas-kwatro ng madaling araw hanggang alas-otso ng umaga na muling isasagawa sa pangalawang pagkakataon sa Pontifical and Royal University of Santo Tomas (UST).
Magsisimula ang paglalakad para sa buhay sa Welcome Rotonda, Quezon City patungo sa University of Santo Tomas (UST) Grandstand sa España, Manila kung saan magkakaroon ng maikling programa bago ang Banal na Misa na pangungunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Inaasahan naman ang pakikibahagi sa gawain ng may 5,000 delegado mula sa iba’t ibang National Catholic Lay Organizations at mga diocesan Councils of the Laity ng mga kalapit na diyosesis kung saan inaasahan din ang pagsasagawa ng lokal na Walk for Life sa iba pang mga diyosesis sa bansa.