298 total views
March 26, 2020, 1:03PM
Inihayag ng Police Regional Office 7 Chaplain Service na magpapatuloy ang paglilingkod nito sa mga kawani ng Pambansang Pulisya lalo na sa mga frontliners na kaisa ng pamahalaan sa pagpapatupad ng kaayusan sa buong bansa.
Ayon kay Police Colonel Rev. Fr. Ronilo Datu, mahalagang mapalakas ang mga pulis hindi lamang sa pisikal na aspeto kundi maging sa espiritwal.
Aniya, sa pagpatupad ng mga gawaing simbahan ngayong semana santa mahigpit na ipatutupad ang mga safety protocols na inilabas ng Department of Health bilang pag-iingat sa kalusugan.
“Except for the blessing of palms, procession and washing of the feet, all Holy Week celebration will be administered observing social distancing at all times,” pahayag ni Fr. Datu sa Radio Veritas.
Magugunitang unang sinuspende ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga gawaing pansimbahan sa bansa makaraang isailalim ng gobyerno sa enhanced community quarantine ang buong Luzon partikular ang National Capital Region kung saan malaking bahagdan sa mga nagpositibo ng Corona Virus Disease ay mula sa Metro Manila.
Bagamat suspendido,ipinagpatuloy ng PRO 7 chaplain service ang mga banal na misa gamit ang makabagong teknolohiya.
Dagdag pa ni Fr. Datu na gaganapin pa rin ang Visita Iglesia sa kakaibang pamamaraan na kung saan tutukan ang mga police frotliners sa mga checkpoints at maging ang pagdadala ng banal na komunyon.
“Visita Iglesia will be modified by bringing the Blessed Sacrament to our frontliners; Communion will be distributed by the chaplain to every personnel deployed in every IATF post,” saad ni Pol. Col Fr. Datu.
Noong ika – 25 ng Marso nakiisa rin ang PNP region 7 sa pananalangin ng mga panalanging itinuro ng Ama sa bawat isa ang “Ama Namin” bilang pagtalima sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco upang hilingin sa Diyos ang habag at awa na mapuksa na ang nakahahawang COVID 19.