239 total views
Itinuturing na isang hamon ng Commission on Elections ang pagsasagawa ng mga probisyong inaasahang ipatutupad hinggil sa Anti-Dynasty Probation na bahagi ng SK Reform Law na unang beses ipatutupad sa SK at Baranggay Elections sa ika-31 ng Oktubre.
Ayon kay COMELEC Commissioner Louie Tito Guia, kinakailangang pag-aralang mabuti ng kumisyon ang implementasyon sa naturang batas, partikular na ang parusa sa mga lalabag sa probisyon tulad ng diskwalipikasyon lalo’t salungat sa Right to Political Participation ang naturang probisyon.
“What is clear is we have to disqualify…in what ground should they be disqualified yun yung challenge sa ating rule making mahirap din kasi, kasi you know ang katapat din ng principle diyan ay Right to Political Participation ang kabila Anti-Dynasty Probation parang ganun so dapat malinaw din sa ating pag-enforce…” bahagi ng pahayag ni Guia sa panayam sa Radio Veritas.
Nasasaad sa bagong SK Reform Law, maaari lamang tumakbo para sa katungkulan ay ang mga may edad 18 hanggang 24-taong gulang kung saan bahagi ng Certificate of Candidacy na lalagdaan partikular ng mga SK Candidates ang pagtiyak na wala silang kamag-anak sa mga halal na opisyal na maaaring maging batayan ng posibleng diskwalipikasyon sa kanilang posisyon.
Nakatakda naman ang paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga tatakbong Barangay at SK Officials mula ika-3 hanggang ika-5 ng Oktubre.
Sa nagdaang May 9 national elections, batay sa tala ng COMELEC, sa 54 milyon na rehistradong botante, humigit-kumulang 20 milyon dito mga kabataan.
Samantala, patuloy rin ang paghihikayat ng CBCP o Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa publiko na huwag balewalain ang kasagraduhan ng pagboto, bilang isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.