506 total views
Bigyang tuon ang suliraning kinahakarap ng mga katutubo.
Ito ang panawagan ni Kalibo Bishop Jose Corazon Tala-oc, vice chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Indigenous People’s kasabay ng paggunita ng Indigenous People’s Week.
“Napakahalaga nito sapagkat ang puso ng simbahan ay talagang nasa ating mga katutubo, nasa ating mga Indigenous Peoples and at the same time upang marinig ng lahat lalo na yung mga nasa area kung saan located itong ating mga Indigenous Peoples. Napakahalaga po nito at sana mabigyang-pansin ng ating mga diyosesis,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Tala-oc.
Kasabay ng pagdiriwang ng simbahan sa Pilipinas ng Season of Creation na magtatapos sa ika-11 ng Oktubre para sa paggunita ng Indigenous Peoples Sunday, hinimok ang bawat diyosesis ang pagbibigay ng halaga sa mga katutubo.
Ayon sa obispo, ito ay upang matulungan at madamayan ang mga filipinong katutubo na karaniwang biktima sa pagkasira ng kalikasan na kanilang tahanan at pinagkukunan ng ikinabubuhay.
Tiniyak naman ng CBCP-ECIP ang patuloy na pagsusulong at pagtataguyod sa karapatan ng mga katutubo lalu na sa kanilang lupaing mana na sapilitang ginagamit para sa pagmimina at iba pang mga proyekto sa kabila ng kanilang pagtutol.
Kabilang na sa mga lupaing ginagamit sa pagmimina ang Didipio sa Nueva Ecija, Tampakan sa South Cotabato at ang bulubunduking lugar ng Sierra Madre na sinabing pagtatayuan ng Kaliwa dam.
Ang pahayag ay isinagawa sa virtual conference ng Caritas Philippines sa pakikipagtulungan ng Radio Veritas sa paksang Diving Deep into the Issues of the Indigenous People’s in the Philippines.
Inaanyayahan din ni Bishop Tala-oc ang bawat isa sa pagdiriwang ng banal na misa para sa pagsasara ng Season of Creation sa bansa sa ika-11 ng Oktubre, kasabay ng paggunita sa Indigenous Peoples’ Sunday.