202 total views
Hindi matatapos ang problema ng bansa sa ilegal na droga dahil sa pag-iral ng korupsyon.
Ito ang pahayag ni Millette Mendoza, isang volunteer humanitarian worker na nakikipagtulungan sa Diocese ng Novaliches para sa mga naulila ng mga biktima ng war against drugs ng administrasyong Duterte.
Paliwanag ni Mendoza, kung ang mga tao rin sa gobyerno ang sangkot sa droga ay magpapatuloy lamang ang kalakalan sa kabila ng maigiting na drug police operations.
“The shadow economy, maraming mga taong behind sa shadow economy na nagpapatakbo sa droga. Kung mga tao sa posisyon ang siyang engaged kahit na nagtuturo tayo ng livelihood, kung ang nagtuturo sa kanila sa pamayanan ng gobyerno ay gumagamit din ng droga ay useless. If the whole industry, the mafia dun dapat ang tututkan ng PDEA. So it is still an issue of corruption, it’s still an issue of who benefit,”pahayag ni Mendoza
Sinabi ni Mendoza na kapag hindi masusugpo ang corruption ay patuloy na magiging biktima ng war on drugs ang mga mahihirap at mga small time player sa industriya ng illegal drugs.
“At the end of the day it is really the vulnerable group the poor people na talagang poor people, na siyang small timers pinalalabas na ang indicators natin ang mga body count.”paliwanag ni Mendoza
Sa huling ulat, umaabot na sa 13 libo ang napatay may kaugnayan sa droga kabilang na ang may 4,000 sa police operation sa loob ng dalawang taong panunungkulan ng pangulong Duterte.
Nangangamba din si Mendoza sa pagtaas ng bilang ng mga batang napatay ang magulang dahil sa kampanya.
Ayon kay Mendoza, mula sa 13-libong napatay ay maaring kalahati sa bilang ay mga magulang na may tatlong anak na ibig sabihin ay mahigit 19- libong mga kabataan ay kailangang tulungan para sa kanilang ikabubuhay.
Muling nanawagan si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa pamahalaan na itigil na ang pagpaslang at simulan ang paghilom ng bayan dahil ang mga insidente ay lumilikha na ng ‘culture of impunity’, dahil sa mga hindi natutukoy na salarin.