23,490 total views
Paiigtingin ng Department of Labor and Employment ang pagpapataas sa kalidad ng trabaho sa Pilipinas.
Ayon kay DOLE Undersecretary for Employment and Human Resource Development Cluster Carmela Torres, sa pamamagitan ito ng pinaigting na pakikipag-ugnayan sa pamahalaan at sektor ng edukasyon.
Inihayag ni Carmela na hangarin ng DOLE na mapatibay ang kakayahan at kasanayan ng mga mag-aaral sa oras na sila ay magsimulang magtrabaho.
“Para kung anuman ang kinakailangang skilled workers ng ating mga industry, dapat din ‘yon ang ipo-produce sa ating education sector. Sinasabi nga natin, i-avoid natin ang jobs, skills mismatch,” ayon sa mensahe ni Torres na ipinadala ng DOLE sa Radio Veritas.
Tiniyak rin ng kalihim ang mahigpit na pagbabantay sa labor market upang matulungan ang mga manggagawa sa na kagyat na makahanap ng trabaho na base sa kanilang mga tinapos sa kolehiyo o kasanayan at abilidad bilang manggagawa.
Kasabay nito, ipinarating naman ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isang kabilang sa kagawaran at iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na may trabaho at sapat ang kinikita ang mamamayan.
Pangako ng kalihim ang patuloy na paggamit ng teknolohiya upang mapatibay ang kasanayan ng mga manggagawa sa lipunan.
Kaugnay nito, nakasaad sa katuruan ng simbahan na hindi masama ang hangarin tungo sa pag-unlad higit na kung isasama ang bawat mamamayan na kanilang pinagsisilbihan upang makamit ang sama-samang pag-unlad sa lipunan.