6,249 total views
Tiniyak ng Unilab Foundation ang pakikipagtulungan sa ibat-ibang sektor ng lipunan upang mapalawak ang pangangalaga sa mental health ng mga kabataan.
Inihayag ni Unilab Senior Technical Consultant at Mental Health Advocate Dr.Sheila Marie Hocson na kanilang paiigtingin ang pagtugon sa suliranin ng lumalalang mental health crisis sa Pilipinas.
Ayon kay Hocson, layunin ng institusyon na mapalawak ang programa kung saan maging ang mga guro, volunteers at nais maging mental health advocate ay magsisilbi upang mapangalagaan ang kalusugang mental ng mga estudyante.
Hangarin ng institusyon na maiwasan ang paglala ng mga kaso ng depression, anxiety at higit na ng sucide sa mga kabataan.
“Definitely pag mas maaga po na-diagnose mas maaga yung treatment plan mas mape-prevent yung severity, kasi karamihan ng suicidal cases natin is also relapse, ibig sabihin mayroon palang disorder tapos biglang kumausap lang or nag-exercise na wala na, pero hindi forever nawawala so narerelapse,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Hocson.
Tiwala si Hocson na ang programang “HeadsUp PH’ sa tulong ng ‘Integrated approach to school-based Mental Health’ project ay mapapalalim ang kaalaman ng mga guro at nais maging bahagi ng pangangalaga sa kalusugang mental ng mga kabataan.
Ngayon ay umaabot sa na sa 200 ang trainers ng proyekto na nahasa na ang kaalaman sa pangangalaga ng mga recepient.
Makikipagtulungan din ang grupo sa Department of Education at Commission on Higher Education upang mapabilis at higit na mapalawak ang naabot ng proyekto sa Pilipinas. “So importante po talaga na sana nga, prevention rather than early detection, so we still definitely is for the awareness, prevention, intervention and then definitely the post management,” bahagi pa ng panayam kay Hocson.
Ayon kay Hocson, batay sa mga pag-aaral ng World Health Organization, sa Pilipinas, 404 estudyante sa mga pampublikong paaralan ang naiulat na nagpatiwakal noong School Year 2021-2022, habang umabot naman sa 574-thousand ang bilang ng mga kabataang Pilipino ang sumubok na magpatiwakal noong 2021 dahil sa mga suliranin sa kanilang mental health.