154 total views
Binigyang diin ng Caritas Manila na mahalaga ang product development sa pagpapaunlad ng isang negosyo.
Ayon kay Fr. Anton Pascual, executive director ng Caritas Manila ito ang pagtuunan ng pansin ng Caritas Margins upang mas lumago pa ang mga negosyong tinutulungan nito.
“Napakahalaga ng product development upang matulungan natin itong almost a thousand micro entrepreneurs na magkaroon ng sustainable livelihood at lumakas ang pagiging negosyante,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Kabilang sa tinutulungan ng Caritas Margins ang maliliit na sektor tulad ng mga magsasaka at mangingisda na nagbibigay pagkain sa mga Filipino ngunit nanatiling pinakamahirap na sektor ng bansa.
Ang pahayag ni Fr. Pascual ay kaugnay sa nagaganap na ‘Year 7 buy and give trade fair ng Caritas Margins na binuksan sa Market Market activity center nitong ika-17 ng Oktubre.
Tampok sa expo ang iba’t ibang produktong gawa ng mga mahihinang sektor tulad ng magsasaka, mangingisda, bilanggo, katutubo at mga biktima ng kalamidad sa bansa.
Ilan sa mga produktong makikita sa trade fair ang mga preskong gulay mula sa Benguet at Baguio sa tulong na rin ng Diyosesis ng Baguio na kaisa sa pagsusulong ng mga lokal na ani ng magsasaka at bigas naman mula sa Diyosesis ng San Jose Nueva Ecija na mas mababa ang presyo kumpara sa malalaking establisimiyento.
Sa pamamagitan nito, matutulungan ng social arm ng Simbahan ang maliliit na negosyanteng maipakilala sa publiko ang kanilang mga produkto na magandang simulain ng isang negosyo.
“Pinalalakas natin ang Caritas Margins sapagkat ina-address natin ang napakahalagang sektor ang agricultural sector na kung saan naroon ang 75% ng mahihirap,” ani ni Fr. Pascual.
Binigyang diin pa ng pangulo ng Radio Veritas na upang matamo ang product development ay nakipag-ugnayan ang institusyon sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno tulad ng Department of Trade and Industry, Department of Science and Technology at iba pa para sa mas maayos na packaging ng mga produktong ibebenta sa publiko dahil naniniwala itong mas tatangkilin ng tao ang isang produkto kung ito ay dekalidad.
Tiniyak ni Fr. Pascual na higit pang kumikilos ang Simbahan sa pagtulong sa mamamayan bilang ito ang pangunahing adbokasiya ng Simbahang Katolika na lumilingap sa mga dukha sa lipunan.
“Napakahalaga ng Simbahan na lalong masigasig sa kanyang pagiging church of the poor,” saad ng Pari.
Ang pagpapaigting sa gawain ng Caritas Manila ay kasabay na rin ng nalalapit na pagdiriwang ng ikalimang sentenaryo ng Katolisismo sa Pilipinas na ipagdiriwang sa 2021.
Ang Expo na matatagpuan sa activity center ng Market Market Taguig City ay magtatagal hanggang ika – 19 ng Oktubre kaya’t inaanyahan ang mamamayan na bisitahin at tangkilikin ang mga produktong itinatampok dito.