2,423 total views
Hinimok ni Diocese of Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang bawat isa na makibahagi sa Caritas Margins Buy and Give Expo sa Trinoma mall sa Edsa corner North Avenue,Quezon City simula September 27 hanggang 29.
Ayon sa Obispo sa pamamagitan ng pagtangkilik sa produktong nilikha ng mahihirap na mga komunidad ay nakatutulong tayo sa kanilang kabuhayan.
Dagdag pa ni Bishop Ongtioco, ito rin ay nag papakita ng pagsuporta sa kanilang pagsisikap at pagsasakripisyo na itaguyod ang kanilang pamumuhay sa marangal na pamamaraan.
“Ito po ay isang proyekto para abutin natin yung mga iba’t-ibang kapatid nating nangangailangan ng suporta at tulong… Sabi natin buy and give, we give importance sa mga sakripisyo pagsisikap ng ating kapwa that’s one way of lifting them up, by supporting their products their talent so we are invited to buy and give,” pahayag ng Obispo sa panayam ng Radyo Veritas.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Fr. Anton CT Pascual – Executive Director ng Caritas Manila kung paanong nakatutulong ang Caritas Margins sa mga mahihirap na nais magkaroon ng hanapbuhay.
“Ang margins po ay Social Brand na kung saan ating tinutulungan ang mga maliliit na negosyante ang mga mahihirap tulad ng mga urban poor, mga bilanggo at mga biktima ng kalamidad, sa kanilang mga produkto na mga pagkain at non-food products. Ang Margins ay isang Social Brand para matulungan natin ang mga maliliit na negosyante na umasenso sa kanilang livelihood project,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radyo Veritas.
Tinatayang nasa isang libong micro-entrepreneurs ang gumagawa ng mga produktong itinitinda sa Caritas Margins Buy and Give Expo, at nakatutulong ito sa 5,000 scholars ng Youth Servant Leadership and Education Program ng Caritas Manila.